Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Kaya nga, mga kapatid, may pananagutan tayo, ngunit hindi sa laman, kaya hindi na tayo dapat mamuhay ayon sa laman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa laman, subalit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay. 14 Sapagkat ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat (A) (B) hindi kayo tumanggap ng espiritu ng pagkaalipin upang muli kayong matakot, kundi tumanggap kayo ng espiritu ng pagkupkop, bilang mga anak na sa pamamagitan nito'y tumawag tayo, “Abba! Ama!” 16 Ang Espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At dahil tayo'y mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo, kung tunay ngang tayo'y nagtitiis kasama niya, nang sa gayon, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
Ang Kaluwalhatiang Mapapasaatin
18 Ipinalalagay kong hindi kayang ihambing ang pagtitiis sa kasalukuyang panahon sa kaluwalhatiang ihahayag sa atin. 19 Masidhi ang pananabik ng sangnilikha sa inaasahang paghahayag ng Diyos sa kanyang mga anak. 20 Sapagkat (C) ang sangnilikha ay nasakop ng kabiguan, hindi dahil sa kanyang kagustuhan, kundi dahil doon sa sumakop sa kanya, sa pag-asa 21 na ang sangnilikha ay mapalalaya mula sa pagkaalipin sa pagkabulok at tungo sa kalayaan ng kaluwalhatian ng mga anak ng Diyos. 22 Alam nating hanggang ngayon, ang buong sangnilikha ay dumaraing at naghihirap sa tindi ng kirot tulad ng babaing nanganganak. 23 At (D) hindi lamang ang sangnilikha, kundi pati tayo na mga tumanggap ng mga unang bunga ng Espiritu. Naghihirap din ang ating mga kalooban at dumaraing habang hinihintay ang ganap na pagkupkop sa atin bilang mga anak, ang paglaya ng ating katawan. 24 Iniligtas tayo dahil sa pag-asang ito. Ngunit hindi na matatawag na pag-asa kung nakikita na natin ang ating inaasahan. Sinong tao ang aasa pa sa bagay na nakikita na? 25 Subalit kung umaasa tayo sa hindi pa natin nakikita, hinihintay natin iyon nang buong pagtitiyaga.
Ang Talinghaga tungkol sa mga Damo sa Triguhan
24 Naglahad siya sa kanila ng isa pang talinghaga. Sinasabi niya, “Ang kaharian ng langit ay maihahambing sa isang taong naghasik ng mabuting binhi sa kanyang bukirin. 25 Subalit habang natutulog ang kanyang mga tauhan, dumating ang kanyang kaaway at naghasik ng mga binhi ng damo sa triguhan, at umalis. 26 Kaya't nang tumubo na ang mga tanim at namunga, naglitawan din ang mga damo. 27 Lumapit ang mga alipin sa pinuno ng sambahayan at sinabi sa kanya, ‘Panginoon, hindi po ba't mabuting binhi ang inyong inihasik sa inyong bukirin? Paano nagkaroon ng mga damo roon?’ 28 Sinabi niya sa kanila, ‘Isang kaaway ang may kagagawan nito.’ At sinabi ng mga alipin sa kanya, ‘Nais ba ninyong pumunta kami at bunutin ang mga damo?’ 29 Ngunit sumagot siya, ‘Huwag, baka sa pagbunot ninyo sa mga damo ay mabunot pati ang mga trigo. 30 Hayaan ninyong tumubo ang mga iyon na kasama ng mga trigo hanggang sa anihan, at pagsapit ng anihan ay sasabihan ko ang mga manggagapas. Tipunin muna ninyo ang mga damo. Talian ninyo ang mga ito upang sunugin; ngunit tipunin ninyo ang trigo sa aking kamalig.’ ”
Ang Kahulugan ng Talinghaga tungkol sa mga Damo
36 Pagkatapos ay iniwan ni Jesus ang napakaraming tao at pumasok sa bahay. Nilapitan siya ng kanyang mga alagad, at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag po ninyo sa amin ang talinghaga tungkol sa mga damo sa bukirin.” 37 Sumagot siya, “Ang naghahasik ng mabuting binhi ay ang Anak ng Tao. 38 Ang bukirin ay ang sanlibutan. Ang mabuting binhi naman ay tumutukoy sa mga anak ng kaharian, subalit ang mga damo ay ang mga anak ng Masama. 39 Ang kaaway na naghasik ng mga ito ay ang diyablo. Ang anihan ay ang katapusan ng panahon; at ang mga manggagapas ay ang mga anghel. 40 Kaya't kung paanong binubunot ang mga damo upang sunugin sa apoy, gayundin ang mangyayari sa katapusan ng panahon. 41 Isusugo ng Anak ng Tao ang kanyang mga anghel, at titipunin nila sa labas ng kanyang kaharian ang lahat ng mga sanhi ng pagkakasala at ang lahat ng mga gumagawa ng kasamaan; 42 at ihahagis nila ang mga ito sa nagliliyab na pugon. Doon ay mananangis sila at magngangalit ang kanilang mga ngipin. 43 Pagkatapos nito, ang mga matuwid ay magliliwanag katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama. Ang mga may pandinig ay makinig!
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.