Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa harap ng Panginoon, na hindi na kayo dapat mamuhay tulad ng mga pagano. Walang kabuluhan ang laman ng kanilang pag-iisip. 18 Nasa dilim ang kanilang pang-unawa at malayo sa buhay na bigay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan at katigasan ng kanilang mga puso. 19 Sila'y nawalan ng kahihiyan at nalulong sa kahalayan, at nawalan ng kabusugan sa paggawa ng sari-saring karumihan. 20 Ngunit hindi ninyo nakilala si Cristo sa ganoong paraan! 21 Kung talagang siya'y inyong narinig at kayo'y naturuan tungkol sa kanya, kung paanong nakay Jesus ang katotohanan, 22 nang (A) hubarin na ninyo ang inyong dating pagkatao, ang dating uri ng pamumuhay na pinasasama ng mapanlinlang na pagnanasa. 23 Baguhin na ninyo ang diwa ng inyong pag-iisip, 24 at (B) ibihis ninyo ang bagong pagkatao, na nilikha ayon sa wangis ng Diyos, sa tunay na katuwiran at kabanalan.
25 Kaya't (C) tigilan na ang pagsisinungaling! Bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa. 26 Kapag nagagalit kayo (D) huwag kayong magkakasala. Huwag ninyong hayaang lubugan ng araw ang inyong galit, 27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo. 28 Ang nagnanakaw ay tumigil na sa pagnanakaw, sa halip ay magtrabaho siya at gumawa ng mabuti sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay, upang mayroon siyang maibigay sa nangangailangan. 29 Hindi dapat mamutawi sa inyong bibig ang anumang masamang pananalita, kundi ang mabuting bagay lamang na makapagpapatibay, upang ito ay makatulong sa mga nakikinig. 30 At huwag ninyong palungkutin ang Banal na Espiritu ng Diyos, na sa pamamagitan niya'y tinatakan kayo para sa araw ng pagtubos. 31 Alisin na ninyo ang lahat ng kapaitan, poot, pagkamuhi, pag-aaway, panlalait, pati ang lahat ng uri ng kasamaan. 32 Maging (E) mabait at mahabagin kayo sa isa't isa. Magpatawad kayo sa isa't isa, kung paanong kay Cristo ay pinatawad kayo ng Diyos.
Ang Mamuhay Ayon sa Liwanag
5 Kaya bilang mga minamahal na anak, tularan ninyo ang Diyos. 2 (F) Mamuhay kayo sa pag-ibig, kung paanong inibig tayo ni Cristo at ibinigay ang kanyang sarili para sa atin bilang isang mabangong handog at alay sa Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.