Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Buhay na Kinalulugdan ng Diyos
4 Bilang pangwakas, mga kapatid, hinihiling namin at ipinapayo sa inyo alang-alang sa Panginoong Jesus na lalo pa ninyong pagbutihin ang inyong pamumuhay, gaya ng natutuhan ninyo sa amin, upang maging kalugud-lugod kayo sa Diyos. Ito naman ang ginagawa ninyo. 2 Natatandaan ninyo kung ano ang mga tagubiling ibinigay namin sa inyo sa pamamagitan ng Panginoong Jesus. 3 Kalooban ng Diyos na kayo'y maging banal at kayo'y umiwas sa lahat ng uri ng pakikiapid. 4 Bawat isa sa inyo'y matutong makipagrelasyon sa kanyang asawa sa paraang banal at marangal, 5 hindi gaya ng mga paganong nagpapaalipin sa masamang pagnanasa, palibhasa'y hindi nakakakilala sa Diyos. 6 Sinuman ay huwag nang gagawa ng masama at magsasamantala sa kanyang kapwa tungkol sa bagay na ito. Tulad ng sinabi namin at ibinabala sa inyo noon pa man, parurusahan ng Diyos ang gumagawa ng ganitong kasamaan. 7 Sapagkat tinawag tayo ng Diyos hindi para sa kahalayan kundi sa malinis na pamumuhay. 8 Dahil dito, ang taong tumatanggi sa aral na ito ay tumatanggi hindi sa tao kundi sa Diyos na nagkakaloob sa inyo ng kanyang Banal na Espiritu.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.