Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pag-uusig sa mga Apostol
17 Matinding inggit ang naghari sa Kataas-taasang Pari at sa lahat ng mga kasama niya, na sekta ng mga Saduceo. Kaya kumilos sila. 18 Dinakip nila ang mga apostol at ikinulong sa bilangguang bayan. 19 Ngunit kinagabihan, isang anghel ng Panginoon ang nagbukas sa mga pintuan ng bilangguan, at pagkatapos silang ilabas ay sinabi sa kanila, 20 “Pumunta kayo sa Templo at sabihin ninyo sa mga tao ang buong balita tungkol sa buhay na ito.” 21 Pagkarinig nila nito, pumasok sila sa templo nang madaling-araw at nagturo. Nang dumating ang Kataas-taasang Pari at ang mga kasamahan niya, pinulong nila ang Sanhedrin, ang buong kapulungan ng mga tagapamahala ng Israel. Nagsugo sila ng mga kawal sa bilangguan upang kunin ang mga apostol. 22 Ngunit pagdating ng mga kawal sa bilangguan, hindi sila natagpuan doon. Bumalik ang mga kawal at nag-ulat, 23 “Nadatnan naming nakakandadong mabuti ang bilangguan, at nakatayo sa mga pintuan ang mga bantay, ngunit nang buksan namin, wala kaming natagpuang tao sa loob.” 24 Nang marinig ito ng pinuno ng mga kawal ng templo at ng mga pinunong pari, nabahala sila. Labis ang kanilang pagtataka kung ano ang nangyayari. 25 Siya namang pagdating ng isang taong nagsabi ng ganito, “Tingnan ninyo! Ang mga lalaking ibinilanggo ninyo ay naroon sa Templo at nagtuturo sa mga tao!” 26 Kaya sumama ang pinuno ng mga kawal sa bantay ng templo at kinuha ang mga apostol. Ngunit hindi sila gumamit ng dahas, sa pangambang baka sila'y batuhin ng mga taong-bayan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.