Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
35 “Ang (A) Moises na ito na kanilang itinakwil nang sabihin nilang, ‘Sino'ng nagsabing ikaw ay pinuno at hukom namin?’ ang siyang isinugo ng Diyos na maging pinuno at tagapagpalaya sa tulong ng anghel na nagpakita sa kanya sa mababang punongkahoy. 36 Ang taong ito (B) ang humango sa kanila sa kanilang kahirapan sa pamamagitan ng mga himala at mga kababalaghang ginawa niya sa Ehipto, sa Dagat na Pula, at sa ilang, sa loob ng apatnapung taon. 37 Ang (C) Moises na ito ang nagsabi sa mga anak ni Israel, ‘Mula sa inyong mga kapatid, pipili ang Diyos ng propeta para sa inyo, tulad ng pagpili niya sa akin.’ 38 Siya (D) ang kasama ng kapulungan sa ilang. Kasama siya ng anghel na nagsalita sa kanya sa Bundok ng Sinai, at kasama ng ating mga ninuno. Tumanggap siya ng mga salitang nagbibigay-buhay upang ibigay sa atin. 39 Ngunit ayaw siyang sundin ng ating mga ninuno. Sa halip, siya'y kanilang itinakwil, at sa mga puso nila'y bumalik sila sa Ehipto, 40 nang sabihin nila kay Aaron, (E) ‘Igawa mo kami ng mga diyos na mangunguna sa amin; sapagkat hindi na namin alam ang nangyayari sa Moises na ito na naglabas sa amin sa Ehipto.’ 41 Gumawa (F) nga sila noon ng diyus-diyosan sa anyo ng isang guya. Naghandog sila sa diyus-diyosang ito at ipinagdiwang ang gawa ng kanilang mga kamay. 42 Ngunit (G) tinalikuran sila ng Diyos, at pinabayaan silang sumamba sa hukbo ng kalawakan.[a] Nasusulat sa aklat ng mga propeta:
‘O, sambahayan ni Israel, sa akin ba kayo nag-alay ng mga hayop na pinatay
at mga handog sa loob ng apatnapung taon sa ilang?
43 Dinala ninyo ang tolda ni Moloc,
at ang bituin ng diyos ninyong si Refan,
ang mga larawang ginawa ninyo upang inyong sambahin;
at itatapon ko kayo sa kabila pa ng Babilonia.’
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.