Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
22 Kaya't tumindig si Pablo sa gitna ng Areopago, at nagsabi, “Mga lalaking taga-Atenas, napapansin kong sa lahat ng bagay, kayo'y lubhang may takot sa mga diyos. 23 Sapagkat sa paglalakad ko sa lungsod, at sa pagmamasid ng mga bagay na inyong sinasamba, nakatagpo rin ako ng isang dambanang may nakasulat na ganito: ‘SA DIYOS NA HINDI KILALA.’ Ang inyong sinasambang hindi ninyo kilala ang siyang ipahahayag ko sa inyo. 24 Ang Diyos (A) na gumawa ng sanlibutan at ng lahat ng mga bagay na naririto ang Panginoon ng langit at ng lupa. Siya'y hindi naninirahan sa mga templong ginawa ng tao. 25 Hindi rin siya pinaglilingkuran ng mga kamay ng tao na para bang mayroon siyang kailangan, gayong siya ang nagbibigay ng buhay, hininga at ng lahat ng bagay sa sangkatauhan. 26 Nilikha niya mula sa isa[a] ang bawat bansa upang manirahan sa ibabaw ng buong lupa. Itinakda niya ang kanya-kanyang panahon at mga hangganan. 27 Ginawa niya ito upang kanilang hanapin ang Diyos, baka sakaling sa kanilang paghahanap ay matagpuan siya. Ang totoo'y hindi naman siya malayo sa bawat isa sa atin. 28 Sapagkat “sa kanya tayo'y nabubuhay, at kumikilos, at nasa kanya ang ating pagkatao.” Tulad ng sinabi ng ilan sa inyong mga makata, ‘Tayo man ay kanyang mga supling.’ 29 Yamang tayo'y mga supling ng Diyos, hindi natin dapat isiping ang pagiging Diyos ay katulad ng ginto, o ng pilak, o ng bato, na pawang likhang-kamay at kathang-isip ng tao. 30 Pinalampas ng Diyos ang mga panahon ng kamangmangan. Subalit ngayo'y ipinag-uutos niya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na magsisi. 31 Sapagkat nagtakda siya ng araw ng kanyang makatarungang paghatol sa sanlibutan sa pamamagitan ng lalaking kanyang hinirang. Pinatunayan niya ito sa lahat nang kanyang muling buhayin ang taong iyon mula sa kamatayan.”
13 At sino naman ang gagawa ng masama sa inyo kung nagsisikap kayong gumawa ng mabuti? 14 Subalit (A) magdusa man kayo dahil sa paggawa ng mabuti, pinagpala kayo. Huwag kayong matakot at huwag kayong mag-alala sa maaari nilang gawin sa inyo. 15 (B) Sa inyong mga puso ay italaga ninyo si Cristo bilang Panginoon. Lagi kayong maging handang magtanggol sa harap ng sinumang humihingi sa inyo ng paliwanag tungkol sa pag-asang taglay ninyo. 16 Ngunit gawin ninyo ito nang mahinahon at magalang. Panatilihin ninyong malinis ang inyong budhi upang mapahiya ang sinumang humahamak sa inyong magandang asal bunga ng inyong pakikipag-isa kay Cristo. 17 Sapagkat mabuti pang magdusa sa paggawa ng mabuti, kung ito'y kalooban ng Diyos, kaysa magdusa dahil sa paggawa ng masama. 18 Sapagkat si Cristo ay minsan lamang namatay dahil sa mga kasalanan, siya na walang kasalanan para sa mga makasalanan upang maiharap kayo[a] sa Diyos. Namatay siya ayon sa laman, ngunit muling binuhay ayon sa espiritu. 19 Sa ganitong kalagayan, nagtungo siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo, 20 mga (C) espiritung sumuway noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang barko. Iilang tao, walo lamang noon ang nakaligtas sa pamamagitan ng tubig. 21 Ang tubig na iyon ang inilalarawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi ito paglilinis ng dungis ng katawan kundi bilang paghiling sa Diyos ng isang malinis na budhi, sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Cristo. 22 Siya'y umakyat sa langit at ngayo'y nasa kanan ng Diyos. Ang mga anghel, mga kapamahalaan at mga kapangyarihan ay nagpapasakop sa kanya.
15 (A)“Kung minamahal ninyo ako, susundin ninyo ang aking mga utos. 16 At hihiling ako sa Ama, at bibigyan niya kayo ng isa pang Kaagapay na makakasama ninyo magpakailanman. 17 Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala. Kilala ninyo siya, dahil nananatili siya sa inyo, at siya ay sasainyo. 18 Hindi ko kayo iiwang parang mga ulila. Darating ako sa inyo. 19 Sandaling panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutan, ngunit makikita ninyo ako. Dahil ako ay buháy, kayo rin ay mabubuhay. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyo na ako ay nasa Ama, at kayo ay nasa akin, at ako ay nasa inyo. 21 (B)Ang nagtataglay ng mga utos ko at tumutupad sa mga ito ay siyang nagmamahal sa akin. At siya na nagmamahal sa akin ay mamahalin ng aking Ama. Mamahalin ko siya at ihahayag ko ang aking sarili sa kanya.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.