Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
14 Kaya't tumayo si Pedro, kasama ang labing-isa, at nagpahayag sa malakas na tinig, “Mga kababayan kong Judio at mga naninirahan sa Jerusalem, unawain ninyo ito at makinig kayong mabuti sa sasabihin ko.
36 Kaya't dapat malaman ng buong sambahayan ng Israel, na itong si Jesus na inyong ipinako sa krus ay itinalaga ng Diyos na Panginoon at Cristo.” 37 Nabagabag ang kanilang kalooban nang marinig nila ang sinabi ni Pedro, kaya't nagtanong sila kay Pedro at sa ibang mga apostol, “Mga kapatid, ano ang dapat naming gawin?” 38 Sumagot si Pedro, “Talikuran ninyo ang inyong kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang patawarin kayo, at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Banal na Espiritu. 39 Sapagkat para sa inyo ang pangako, at para sa inyong mga anak, at sa lahat ng nasa malayo, at sa lahat ng tatawagin ng ating Panginoong Diyos tungo sa kanya.” 40 Marami pang sinabi si Pedro bilang patunay upang sila'y himukin. Nakiusap siya sa kanila, “Iligtas ninyo ang inyong mga sarili mula sa masamang lahing ito.” 41 Kaya't nagpabautismo ang tumanggap sa kanyang sinabi. At nang araw na iyon, may tatlong libong katao ang nadagdag sa mga alagad.
17 Dahil tinatawag ninyong Ama ang Diyos na hindi nagtatangi sa kanyang paghatol sa mga gawa ng tao, mamuhay kayong may takot sa kanya sa buong panahon ng inyong pagiging dayuhan. 18 Alam ninyong tinubos kayo mula sa walang kabuluhang paraan ng pamumuhay na minana ninyo sa inyong mga ninuno. At ang ipinantubos sa inyo'y hindi mga bagay na nasisira tulad ng pilak o ginto, 19 kundi ang mahalagang dugo ni Cristo, tulad sa korderong walang dungis at kapintasan. 20 Itinalaga na siya ng Diyos bago pa nilikha ang sanlibutan, ngunit ipinahayag sa katapusan ng panahon dahil sa inyo. 21 Sa pamamagitan ni Cristo ay sumampalataya kayo sa Diyos, na bumuhay at nagparangal sa kanya, kaya't ang inyong pananampalataya at pag-asa ay nasa Diyos. 22 Ngayong malinis na kayo dahil sa inyong pagsunod sa katotohanan, at naghahari na sa inyo ang tapat na pag-iibigan bilang magkakapatid, nawa'y maging maalab at taos sa puso ang inyong pagmamahalan. 23 Sapagkat muli kayong isinilang, hindi sa pamamagitan ng binhing nasisira kundi sa pamamagitan ng buháy at nananatiling salita ng Diyos.
Ang Paglalakad Patungong Emaus(A)
13 Nang araw ding iyon, dalawa sa mga alagad ang naglalakbay patungo sa nayong kung tawagin ay Emaus na may labindalawang kilometro[a] ang layo sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan nila ang tungkol sa lahat ng mga nangyaring ito. 15 Habang sila ay nag-uusap at nagpapaliwanagan, mismong si Jesus ay lumapit at nakisabay sa kanila. 16 Subalit tila tinakpan ang kanilang mga mata upang siya ay hindi nila makilala. 17 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Ano ba ang pinag-uusapan ninyo habang kayo'y naglalakad?” At tumigil silang bakas ang kalungkutan sa mukha. 18 Sumagot ang isa sa kanila, na ang pangalan ay Cleopas, “Ikaw lang ba ang dayuhan sa Jerusalem na hindi nakaaalam sa mga bagay na nangyari doon sa mga araw na ito?” 19 Sinabi niya sa kanila, “Anong mga bagay?” Sumagot sila, “Ang mga tungkol kay Jesus na taga-Nazareth, isang propetang makapangyarihan sa gawa at sa salita sa harap ng Diyos at ng buong sambayanan. 20 Ibinigay siya ng aming mga punong pari at ng mga pinuno upang hatulan ng kamatayan at ipako sa krus. 21 Subalit umasa sana kaming siya ang tutubos sa Israel. Bukod pa sa lahat ng mga ito, ngayon ang ikatlong araw mula nang nangyari ang mga ito. 22 Binigla pa kami ng ilan sa mga babaing kasamahan namin. Maagang-maaga pa lang, nagpunta sila sa libingan, 23 ngunit hindi nila natagpuan doon ang kanyang bangkay, kaya bumalik sila at sinabi sa amin na nagkaroon sila ng isang pangitain ng mga anghel na nagsasabing buháy si Jesus. 24 Pumunta sa libingan ang ilan sa amin at natagpuan nga nila gaya ng sinabi ng mga babae ngunit siya ay hindi nila nakita.” 25 Sinabi niya sa kanila, “Mga hangal! Kay bagal naman ng inyong pang-unawa at hindi pinaniwalaan ang lahat ng sinabi ng mga propeta! 26 Hindi ba't ang Cristo ay kailangang magdusa ng lahat ng ito bago siya pumasok sa kanyang kaluwalhatian?” 27 Ipinaliwanag niya sa kanila ang sinasabi ng lahat ng Kasulatan tungkol sa kanya, mula kay Moises at sa lahat ng mga propeta. 28 Nang malapit na sila sa nayong kanilang pupuntahan, lumalakad siya na parang magpapatuloy pa, 29 ngunit siya'y kanilang pinakiusapan ng ganito: “Tumuloy muna kayo sa amin sapagkat gumagabi na at lumulubog na ang araw.” Kaya't pumasok siya upang tumuloy sa kanila. 30 Nang nakaupo siya sa hapag kasalo nila, kumuha siya ng tinapay at ito'y binasbasan. Pinagputul-putol niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga mata at nakilala nila si Jesus, ngunit bigla na lang siyang naglaho sa kanilang paningin. 32 At sinabi nila sa isa't isa, “Hindi ba nag-aalab ang ating mga puso habang kinakausap niya tayo sa daan, habang ipinapaliwanag niya sa atin ang Kasulatan?” 33 Nang oras ding iyon ay bumalik sila sa Jerusalem; natagpuan nila na nagtitipon doon ang labing-isa at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Sabi nila, “Totoo ngang nabuhay muli ang Panginoon at nagpakita kay Simon!” 35 Kaya't isinalaysay nila ang nangyari sa daan at kung paano nila nakilala si Jesus nang siya'y magpuputul-putol ng tinapay.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.