Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pasasalamat dahil sa Tagumpay
118 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
2 Sabihin ngayon ng Israel,
“Ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.”
14 Ang(A) Panginoon ay aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan.
15 Ang tunog ng masayang sigawan at kaligtasan ay nasa mga tolda ng matuwid:
“Ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan,
16 ang kanang kamay ng Panginoon ay parangalan,
ang kanang kamay ng Panginoon ay gumagawang may katapangan!”
17 Hindi ako mamamatay, kundi mabubuhay,
at ang mga gawa ng Panginoon ay isasalaysay.
18 Pinarusahan akong mabuti ng Panginoon;
ngunit hindi niya ako ibinigay sa kamatayan.
19 Buksan ninyo sa akin ang mga pintuan ng katuwiran;
upang ako'y makapasok doon
at makapagpasalamat sa Panginoon.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon;
ang matuwid ay papasok doon.
21 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat sinagot mo ako
at ikaw ay naging kaligtasan ko.
22 Ang(B) (C) batong itinakuwil ng mga nagtayo,
ay naging panulok na bato.
23 Ito ang gawa ng Panginoon;
ito ay kagila-gilalas sa ating mga mata.
24 Ito ang araw na ang Panginoon ang gumawa,
tayo'y magalak at matuwa.
Ang Awit ni Moises at ni Miriam
15 Nang(A) magkagayo'y inawit ni Moises at ng mga Israelita ang awit na ito sa Panginoon, na sinasabi,
“Ako'y aawit sa Panginoon, sapagkat siya'y maluwalhating nagtagumpay;
kanyang inihagis sa dagat ang kabayo at ang doo'y nakasakay.
2 Ang(B) Panginoon ang aking awit at kalakasan,
at siya'y naging aking kaligtasan;
Ito ang aking Diyos, at aking pupurihin siya,
siya'y aking itataas, ang Diyos ng aking ama.
3 Ang Panginoon ay isang mandirigma.
Panginoon ang pangalan niya.
4 “Ang mga karwahe ng Faraon at ang kanyang hukbo sa dagat ay itinapon niya,
at ang kanyang mga piling pinuno ay inilubog sa Dagat na Pula.
5 Ang kalaliman ay tumatabon sa kanila;
sila'y lumubog sa mga kalaliman na parang isang bato.
6 Ang iyong kanang kamay, O Panginoon ay maluwalhati sa kapangyarihan,
ang iyong kanang kamay, O Panginoon ang dumudurog sa kaaway.
7 Sa kadakilaan ng iyong karilagan ay ibinubuwal mo ang bumabangon laban sa iyo;
Iyong ipinapakita ang iyong matinding galit, at nililipol silang parang dayami.
8 Sa hihip ng iyong ilong ang tubig ay natipon,
ang mga agos ay tumayong parang isang bunton;
Ang mga kalaliman ay namuo sa gitna ng dagat.
9 Sinabi ng kaaway, ‘Aking hahabulin, aking aabutan,
Hahatiin ko ang samsam, ang aking nais sa kanila ay masisiyahan,
aking bubunutin ang aking tabak, lilipulin sila ng aking kamay.’
10 Ikaw ay humihip ng iyong hangin, at tinabunan sila ng karagatan,
Sila'y lumubog na parang tingga sa tubig na makapangyarihan.
11 “Sinong tulad mo, O Panginoon, sa mga diyos?
Sinong gaya mo, dakila sa kabanalan,
nakakasindak sa maluluwalhating gawa, na gumagawa ng mga kababalaghan?
12 Iniunat mo ang iyong kanang kamay,
nilamon sila ng lupa.
13 “Iyong pinatnubayan sa iyong wagas na pag-ibig ang iyong tinubos na bayan,
sa iyong kalakasan ay inihatid mo sila sa banal mong tahanan.
14 Narinig ng mga bansa, at nanginig sila,
mga sakit ang kumapit sa mga naninirahang taga-Filistia.
15 Kaya't ang mga pinuno ng Edom ay nagimbal;
sa matatapang sa Moab, ang panginginig sa kanila ay sumakmal,
at naupos ang lahat ng taga-Canaan.
16 Sindak at panghihilakbot ang sa kanila'y umabot,
dahil sa kadakilaan ng iyong bisig, sila'y parang batong di makakilos;
hanggang sa makaraan, O Panginoon, ang iyong bayan,
hanggang ang bayan na iyong binili ay makaraan.
17 Sila'y iyong papapasukin, at sila'y iyong itatanim sa bundok na iyong ari-arian,
sa dako, O Panginoon, na iyong ginawa upang iyong maging tahanan,
sa santuwaryo, O Panginoon, na itinatag ng iyong mga kamay.
18 Ang Panginoon ay maghahari magpakailanpaman.”
12 Bilang(A) mga hinirang ng Diyos, mga banal at minamahal, magbihis kayo ng kahabagan, ng kabaitan, ng kababaang-loob, ng kaamuan, at ng katiyagaan.
13 Pagtiisan(B) ninyo ang isa't isa, at kung ang sinuman ay may reklamo laban sa kanino man, magpatawaran kayo sa isa't isa, kung paanong pinatawad kayo ng Panginoon, ay gayundin naman ang inyong gawin.
14 At higit sa lahat ng mga bagay na ito ay magbihis kayo ng pag-ibig na siyang tali ng kasakdalan.
15 At maghari sa inyong puso ang kapayapaan ni Cristo, na doon ay tinawag din naman kayo sa isang katawan. At kayo'y maging mapagpasalamat.
16 Manirahan(C) nawang sagana sa inyo ang salita ni Cristo ayon sa lahat ng karunungan; magturo at magpaalalahanan kayo sa isa't isa sa pamamagitan ng mga salmo at ng mga himno at mga awiting espirituwal, na umaawit na may pasasalamat sa Diyos sa inyong mga puso.
17 At anumang inyong ginagawa, sa salita, o sa gawa, gawin ninyong lahat sa pangalan ng Panginoong Jesus, na nagpapasalamat kayo sa Diyos Ama sa pamamagitan niya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001