Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Kaya't patayin ninyo ang mga sangkap ng inyong katawan na nasa lupa: ang pakikiapid, kahalayan, kapusukan, masamang pagnanasa, at kasakiman na katumbas na rin ng pagsamba sa mga diyus-diyosan. 6 Dahil sa mga ito, ang poot ng Diyos ay dumarating sa mga suwail na anak.[a] 7 Ganitong mga landas ang tinatahak ninyo noon, nang kayo'y namumuhay pa sa mga ito. 8 Ngunit ngayon ay talikuran ninyo ang mga bagay tulad ng poot, galit, maruruming pag-iisip, paninirang-puri, at mahalay na pananalita mula sa inyong bibig. 9 Huwag (A) kayong magsinungaling sa isa't isa, yamang hinubad na ninyo ang lumang pagkatao kasama ang mga gawain nito, 10 at (B) kayo'y nagbihis na ng bagong pagkatao, na patuloy na ginagawang bago tungo sa kaalaman ayon sa larawan ng lumikha sa bagong pagkatao. 11 Dito'y wala nang pagkakaiba ang Griyego at Judio, tuli at di-tuli, barbaro, Scita, alipin, at malaya. Sa halip, si Cristo ang pinakamahalaga sa lahat at nasa lahat!
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.