Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Bunga ng Pagiging Matuwid
5 Kaya't yamang tayo'y itinuring nang matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, mayroon na tayong pakikipagkasundo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Sa pamamagitan din niya ay nabuksan ang daan upang tamasahin natin ang kagandahang-loob ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.[a] Dahil dito ay nagagalak tayo, dahil na rin sa pag-asang makikibahagi tayo sa kaluwalhatian ng Diyos. 3 At hindi lamang iyan. Nagagalak din tayo sa mga pagdurusang ating nararanasan, sapagkat alam nating ang pagdurusa ay nagbubunga ng pagtitiyaga. 4 Ang pagtitiyaga ay nagbubunga ng katatagan, at ang katatagan ay nagdudulot ng pag-asa. 5 Hindi tayo binibigo ng pag-asa sapagkat ibinuhos ng Diyos sa ating puso ang kanyang pag-ibig sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na ipinagkaloob sa atin. 6 Sapagkat noong tayo ay mahihina pa, namatay si Cristo sa takdang panahon para sa mga makasalanan. 7 Bihira ang taong mag-aalay ng buhay alang-alang sa isang taong matuwid, bagama't maaaring may mangahas mamatay dahil sa isang mabuting tao. 8 Subalit ipinapakita ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin, na noong tayo'y makasalanan pa, si Cristo ay namatay para sa atin. 9 At ngayong itinuring na tayong matuwid sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo na tayong maliligtas sa pamamagitan niya mula sa poot ng Diyos. 10 Sapagkat kung noon ngang kaaway tayo ng Diyos ay ipinagkasundo tayo sa kanya sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang Anak, lalo na ngayong ipinagkasundo na tayo sa Diyos! Tiyak na maliligtas tayo sa pamamagitan ng kanyang buhay. 11 At hindi lamang iyan! Nagagalak din tayo sa Diyos sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, sapagkat dahil sa kanya'y nakamtan natin ang pakikipagkasundo sa Diyos.
5 (A)kaya nakarating siya sa Sicar, isang bayan ng Samaria, malapit sa bukirin na ibinigay ni Jacob sa anak niyang si Jose. 6 Naroon ang balon ni Jacob, kaya't nang mapagod si Jesus mula sa kanyang paglalakbay, umupo siya sa tabi niyon. Magtatanghaling tapat[a] na noon 7 nang may isang Samaritanang dumating upang sumalok ng tubig. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Pahingi nga ng inumin.” 8 (Ang kanyang mga alagad ay nakaalis na noon patungong bayan upang bumili ng pagkain.) 9 (B)Sinabi ng Samaritana sa kanya, “Ikaw ay isang Judio, bakit ka humihingi ng tubig sa akin na isang Samaritana?” (Dahil ang mga Judio ay hindi nakikitungo sa mga Samaritano.) 10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Kung alam mo lamang ang kaloob ng Diyos at kung sino itong nagsasabi sa iyo, ‘Pahingi ng inumin,’ ikaw pa ang hihingi sa kanya, at bibigyan ka niya ng tubig ng buhay.” 11 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, wala kang pansalok ng tubig, at malalim ang balon; saan ka kukuha ng tubig ng buhay? 12 Mas dakila ka pa ba kaysa ama naming si Jacob na nagbigay ng balon sa amin, at siya mismo'y uminom mula rito, pati na rin ang kanyang mga anak at mga hayop?” 13 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ang sinumang uminom sa tubig na ito'y muling mauuhaw, 14 subalit, ang iinom ng tubig na ibibigay ko ay hindi na kailanman mauuhaw. Ang tubig na ibibigay ko ay magiging bukal ng tubig sa kanya patungo sa buhay na walang hanggan.” 15 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito nang hindi na ako mauhaw at hindi na rin pumarito para mag-igib.” 16 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Humayo ka at tawagin mo ang iyong asawa at bumalik ka rito.” 17 Sumagot ang babae, “Wala akong asawa.” Sinabi ni Jesus sa kanya, “Tama ka sa iyong sinabing wala kang asawa, 18 dahil nagkaroon ka na ng limang asawa, at ang kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa. Totoo nga ang sinabi mo.” 19 Sinabi ng babae sa kanya, “Ginoo, sa tingin ko'y isa kang propeta. 20 Sumamba sa bundok na ito ang aming mga ninuno; ngunit kayong mga Judio'y nagsasabing sa Jerusalem dapat sumamba.” 21 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ginang, maniwala ka sa akin, na darating ang oras na sasambahin ninyo ang Ama hindi sa bundok na ito, ni sa Jerusalem. 22 Sinasamba ninyo ang hindi ninyo nakikilala; kilala namin ang aming sinasamba, sapagkat ang kaligtasan ay mula sa mga Judio. 23 Ngunit ang oras ay dumarating, at ngayon na nga, kung saan ang mga tunay na sumasamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat ganito ang hinahanap ng Ama na sasamba sa kanya. 24 Ang Diyos ay espiritu, at ang mga sumasamba sa kanya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” 25 Sinabi ng babae sa kanya, “Alam kong darating ang Mesiyas, siya na tinatawag na Cristo; sa pagdating niya, ipaliliwanag niya sa amin ang lahat ng bagay.” 26 Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ako mismong nagsasalita sa iyo ang tinutukoy mo.” 27 Dumating ang kanyang mga alagad at nagtaka sila dahil nakikipag-usap siya sa isang babae, ngunit wala ni isa mang nagtanong sa babae, “Anong gusto mo?” o kay Jesus, “Bakit kayo nakikipag-usap sa kanya?” 28 Pagkatapos ay iniwan ng babae ang kanyang sisidlan ng tubig at umalis papuntang lungsod, at sinabi niya sa mga tao, 29 “Halikayo, tingnan ninyo ang taong nagsabi sa akin ng lahat ng ginawa ko. Siya na nga kaya ang Cristo?” 30 Kaya't sila'y lumabas ng lungsod at nagpunta kay Jesus. 31 Samantala, pinilit siya ng mga alagad niya at sinabi, “Rabbi, kumain po kayo.” 32 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Mayroon akong pagkaing hindi ninyo alam.” 33 Kaya't sinabi ng mga alagad sa isa't isa, “Wala namang nagdala sa kanya ng pagkain, hindi ba?” 34 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang pagkain ko'y gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin, at tuparin ang kanyang gawain. 35 Hindi ba sinasabi ninyo, ‘Apat na buwan na lang at anihan na?’ Sinasabi ko sa inyo, imulat ninyo ang inyong mga mata at tingnan ninyo ang mga bukirin at handa na ang mga iyon para anihin. 36 Ang umaani ay tumatanggap ng kabayaran, at nagtitipon ng bunga tungo sa buhay na walang hanggan. Sa gayon, ang nagtatanim at ang umaani ay magkasalong magagalak. 37 Dahil dito, totoo nga ang kasabihan, ‘Iba ang nagtatanim, at iba naman ang nag-aani.’ 38 Isinugo ko kayo upang anihin ang hindi ninyo pinagpaguran. Iba ang nagpagod, at kayo'y umaani sa kanilang pinagpaguran.” 39 Maraming taga-Samaria mula sa lungsod na iyon ang sumampalataya kay Jesus dahil sa patotoong ito ng babae: “Sinabi niya ang lahat ng ginawa ko.” 40 Kaya noong pumunta sa kanya ang mga taga-Samaria, hiniling nila kay Jesus na manatili sa kanila. Dalawang araw siyang nanatili roon. 41 At marami pa ang sumampalataya dahil sa salita ni Jesus. 42 Sinabi nila sa babae, “Hindi na dahil sa mga salita mo kung bakit kami sumasampalataya, sapagkat kami mismo ang nakarinig sa kanya. Nalalaman naming siya nga ang Tagapagligtas ng sanlibutan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.