Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 Sa (A) pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanlibutan, at ang kamatayan ay pumasok sa pamamagitan ng kasalanan. Dahil dito'y naranasan ng lahat ng tao ang kamatayan, sapagkat ang lahat ay nagkasala. 13 Nasa sanlibutan na ang kasalanan bago pa dumating ang Kautusan, ngunit hindi itinuturing na kasalanan ang kasalanan kung walang Kautusan. 14 Gayunman, naghari ang kamatayan mula kay Adan hanggang kay Moises, pati sa mga taong hindi nagkasala gaya ng paglabag ni Adan, na siyang larawan ng isang paparating.
15 Subalit ang biyaya ng Diyos ay hindi gaya ng pagsuway. Dumating nga ang kamatayan sa marami dahil sa pagsuway ng isang tao; subalit sa pamamagitan din ng isang tao—si Jesu-Cristo—dumating at sumagana sa marami ang handog ng kagandahang-loob ng Diyos! 16 Hindi katulad ng bunga ng pagkakasala ng isang tao ang bunga ng biyaya ng Diyos. Nagbunga ng hatol na parusa ang pagkakasala ng isa, subalit ang biyaya ay nagdulot ng pagiging matuwid ng tao sa kabila ng maraming pagsuway. 17 Sapagkat kung naghari ang kamatayan dahil sa pagsuway ng isang tao, lalong higit ang nakamtan ng mga taong kinahabagan nang sagana at itinuring na matuwid ng Diyos! Maghahari sila sa buhay sa pamamagitan ng isang tao, si Jesu-Cristo. 18 At kung paanong ang pagsuway ng isang tao ay nagbunga ng parusa para sa lahat, sa gayon ding paraan, ang pagiging matuwid ng isang tao ay nagbunga ng pagiging matuwid at buhay para sa lahat. 19 Sapagkat kung marami ang naging makasalanan dahil sa pagsuway ng isang tao, sa pamamagitan din ng pagsunod ng isang tao maraming ituturing na matuwid.
Tinukso ng Diyablo si Jesus(A)
4 Pagkatapos, dinala ng Espiritu si Jesus sa ilang upang tuksuhin ng diyablo. 2 Pagkatapos mag-ayuno ng apatnapung araw at apatnapung gabi, siya ay nagutom. 3 Dumating ang manunukso at sinabi sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, ipag-utos mong maging tinapay ang mga batong ito.” 4 Ngunit sumagot si Jesus,
“Nasusulat,
‘Hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao,
kundi sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.’ ”
5 Kasunod nito'y dinala siya ng diyablo sa banal na lungsod at inilagay siya sa tuktok ng templo. 6 Sinabi nito sa kanya, “Kung ikaw nga ang Anak ng Diyos, tumalon ka mula riyan, sapagkat nasusulat,
‘Uutusan niya ang kanyang mga anghel na ingatan ka,’
at ‘Mga kamay nila sa iyo ay sasalo,
upang ang paa mo'y hindi masaktan sa bato.’ ”
7 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Nasusulat din naman, ‘Huwag mong susubukin ang Panginoon mong Diyos.’ ” 8 Muli, dinala siya ng diyablo sa isang napakataas na bundok at ipinakita sa kanya ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan at ang dangal ng mga ito. 9 Sinabi nito sa kanya, “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng mga ito, kung yuyukod ka at sasamba sa akin.” 10 Sumagot sa kanya si Jesus, “Layas, Satanas! Sapagkat nasusulat,
‘Ang Panginoong Diyos ang iyong sasambahin
at siya lamang ang iyong paglilingkuran.’ ”
11 At iniwan siya ng diyablo. Dumating naman ang mga anghel at siya'y pinaglingkuran.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.