Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Babala Laban sa Pagtatangi ng Tao
2 Mga kapatid ko, dapat ay pantay-pantay ang tingin ninyo sa lahat ng tao habang pinanghahawakan ninyo ang pananampalataya sa ating maluwalhating Panginoong Jesu-Cristo. 2 Halimbawang pumasok sa inyong pagtitipon ang isang taong may gintong singsing at may magandang kasuotan, at dumating din ang isang dukha na gusgusin ang damit, 3 at binigyang-pansin ninyo ang nakadamit nang maganda at sinabi sa kanya, “Narito ang magandang upuan para sa iyo” at sa dukha ay inyo namang sinabi, “Tumayo ka riyan,” o kaya'y, “Diyan ka na lang maupo sa may paanan ko,” 4 hindi ba nagtatangi na kayo at humahatol nang may masamang pag-iisip? 5 Pakinggan ninyo ito, minamahal kong mga kapatid. Hindi ba pinili ng Diyos ang mga dukha sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya at magmana ng kahariang kanyang ipinangako sa mga nagmamahal sa kanya? 6 Ngunit hinahamak ninyo ang mga dukha. Hindi ba't ang mayayaman ang umaapi sa inyo at kumakaladkad sa inyo sa mga hukuman? 7 Hindi ba't sila ang lumalapastangan sa marangal na pangalang itinawag sa inyo? 8 Mabuti (A) ang inyong ginagawa kung tinutupad ninyo ang marangal na Kautusang mula sa ating Hari ayon sa Kasulatan, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng iyong sarili.” 9 Ngunit kung nagtatangi kayo ng tao, kayo'y nagkakasala at ayon sa Kautusan, kayo'y napatunayang suwail kaya't dapat parusahan. 10 Sinumang tumutupad sa buong Kautusan, subalit lumalabag sa isang bahagi nito, ay nagkakasala sa buong Kautusan. 11 Sapagkat (B) ang Diyos na nagsabi, “Huwag kang mangalunya,” ay siya ring nagsabing, “Huwag kang papatay.” Kung hindi ka man nangangalunya, ngunit pumapatay ka naman, lumalabag ka rin sa Kautusan. 12 Kaya't mag-ingat kayo sa inyong pananalita at gawa, sapagkat hahatulan kayo ayon sa Kautusang nagpapalaya sa inyo. 13 Walang awang hahatulan ang mga hindi nagpakita ng awa. Ngunit ang habag ay magtatagumpay sa paghatol.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.