Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
12 (A)At muling nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan; ang sumusunod sa akin kailanma'y hindi mamumuhay sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.” 13 (B)Kaya sinabi sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka para sa iyong sarili; hindi tunay ang iyong patotoo.” 14 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Kahit na nagpapatotoo ako para sa aking sarili, ang patotoo ko ay tunay, sapagkat alam ko kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta, ngunit hindi ninyo alam kung saan ako nanggaling at kung saan ako pupunta. 15 Humuhusga kayo nang naaayon sa laman, ako'y hindi humuhusga kanino man. 16 Ngunit kahit na humusga ako, ang paghuhusga ko ay totoo, sapagkat hindi lang ako mag-isang humuhusga, kundi ako at siya na nagsugo sa akin. 17 (C)Nakasulat sa inyong batas na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo. 18 Nagpapatotoo ako sa sarili ko, at ang Ama na nagsugo sa akin ang nagpapatotoo tungkol sa akin.” 19 Dahil dito ay sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi ninyo ako nakikilala, maging ang aking Ama; kung kilala ninyo ako, kilala ninyo rin sana ang Ama ko.” 20 Ito ang mga salitang sinabi niya sa may kabang-yaman habang siya ay nagtuturo sa templo. Walang humuli sa kanya dahil ang oras niya ay hindi pa dumarating. 21 Kaya muli'y sinabi niya sa kanila, “Aalis ako, at hahanapin ninyo ako at mamamatay kayo sa inyong kasalanan. Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko.” 22 Sinabi ng mga Judio, “Papatayin ba niya ang kanyang sarili, dahil sinasabi niyang, ‘Hindi kayo makapupunta sa pupuntahan ko’?” 23 Sinabi niya sa kanila, “Kayo ay mula sa ibaba, ako ay mula sa itaas; kayo ay tagasanlibutang ito, ako ay hindi tagarito. 24 Sinabi ko sa inyo na mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan; sapagkat mamamatay kayo sa inyong mga kasalanan malibang maniwala kayo na Ako’y Ako Nga.” 25 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka?” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Bakit ba ako nakipag-usap pa sa inyo. 26 Marami pa akong sasabihin at huhusgahan tungkol sa inyo; subalit ang nagsugo sa akin ay totoo, at sinasabi ko sa sanlibutan kung ano ang narinig ko mula sa kanya.” 27 Hindi nila naintindihan na ang tinutukoy niya ay ang Ama. 28 Kaya sinabi ni Jesus, “Kapag itinaas ninyo ang Anak ng Tao, mauunawaan ninyo na ako siya, at wala akong ginagawang mula sa sarili ko, kundi, sinasabi ko ang mga bagay na ito na ayon sa itinuro sa akin ng Ama. 29 At siya na nagsugo sa akin ay kasama ko. Hindi niya ako iniwang mag-isa, sapagkat lagi kong ginagawa ang bagay na nakalulugod sa kanya.” 30 Maraming nanampalataya sa kanya habang sinasabi niya ang mga bagay na ito.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.