Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Cristo na Ipinako sa Krus
2 Mga kapatid, nang pumunta ako sa inyo, hindi ako dumating na nagbabalita sa inyo ng hiwaga[a] ng Diyos ayon sa kahusayan ng pananalita o ng karunungan. 2 Sapagkat napagpasyahan ko noong kasama ninyo ako na walang anumang makilala, maliban kay Jesu-Cristo, siya na ipinako sa krus. 3 Ako nga'y nakasama ninyo nang may kahinaan, may takot, at matinding panginginig. 4 Ang aking pananalita at ang aking pangangaral ay hindi sa pamamagitan ng mga mapanghikayat na salita ng karunungan, kundi sa pagpapakita ng kapangyarihan ng Espiritu, 5 upang ang inyong pananampalataya ay hindi mapasalig sa karunungan ng mga tao, kundi sa kapangyarihan ng Diyos.
Ang Pagpapahayag ng Banal na Espiritu ng Diyos
6 Ngunit sa mga nasa hustong gulang ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, o ng mga pinuno sa kapanahunang ito, na pawang mawawalan ng kabuluhan. 7 Sa halip, ang sinasabi namin ay ang hiwaga at itinagong karunungan ng Diyos, na kanyang itinalaga bago pa nagkaroon ng mga panahon para sa kaluwalhatian natin. 8 Wala ni isa man sa mga pinuno ng kapanahunang ito ang nakaalam nito, sapagkat kung ito'y nalaman nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ipinahayag ito sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng bagay, pati ang malalalim na bagay tungkol ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakaaalam ng mga iniisip ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayundin naman, walang nakaaalam ng mga iniisip ng Diyos, kundi ang Espiritu ng Diyos. 12 Kami ay tumanggap, hindi ng espiritu ng sanlibutan, kundi ng Espiritung mula sa Diyos, upang malaman namin ang mga bagay na walang bayad na ipinagkaloob sa amin ng Diyos.
13 At ang mga bagay namang ito ay ipinapahayag namin hindi sa pamamagitan ng mga salitang ayon sa pagtuturo ng karunungan ng tao, kundi sa pagtuturo ng Espiritu, na aming ipinapaunawa ang mga bagay na espirituwal sa mga espirituwal. 14 Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 15 Hinahatulan naman ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, at hindi siya hinahatulan ng sinuman. 16 “Sapagkat sino ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon, upang magpayo sa kanya?” Subalit taglay namin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Asin at Ilaw(A)
13 “Kayo ang asin ng lupa, ngunit kung mawalan na ng lasa ang asin, paano pa maibabalik ang alat nito? Wala na itong paggagamitan liban sa ito'y itapon at tapak-tapakan ng mga tao. 14 Kayo ang ilaw ng sanlibutan. Hindi maikukubli ang isang lungsod na itinayo sa ibabaw ng isang burol. 15 Hindi nagsisindi ng ilawan ang mga tao at ilalagay lamang sa ilalim ng isang takalan. Sa halip, ilalagay ito sa ibabaw ng isang patungan, nang sa gayo'y magbigay liwanag ito sa lahat ng nasa bahay. 16 Sa gayunding paraan ay paliwanagin ninyo ang inyong ilaw sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin ang inyong Amang nasa langit.
Ang Turo tungkol sa Kautusan
17 “Huwag ninyong akalaing naparito ako upang pawalang-saysay ang Kautusan o ang sinulat ng mga propeta. Naparito ako hindi upang ipawalang-saysay kundi isakatuparan ang mga ito. 18 Sapagkat tinitiyak ko sa inyo, lumipas man ang langit at ang lupa, ni isang munting titik o isang kudlit ng Kautusan ay hindi lilipas hanggang sa maisakatuparan ang lahat ng mga bagay. 19 Kaya't sinumang sumuway kahit sa pinakamaliit sa mga utos na ito at turuan ang mga tao ng pagsuway ay ituturing na pinakamaliit sa kaharian ng langit. Ngunit sinumang tumutupad at nagtuturo sa mga tao na sundin ang mga ito ay ituturing na dakila sa kaharian ng langit. 20 Sapagkat sinasabi ko sa inyo, kung ang inyong pagiging matuwid ay hindi hihigit sa pagiging matuwid ng mga tagapagturo ng Kautusan at mga Fariseo, hinding-hindi kayo makapapasok sa kaharian ng langit.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.