Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
17 Ang mga matatandang pinuno na mahusay mamahala sa iglesya ay karapat-dapat sa dobleng parangal lalo na ang mga nagsisikap sa pangangaral at pagtuturo. 18 Sapagkat sinasabi sa Kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang baka habang ito'y gumigiik.” (A) Nasusulat din, “Ang manggagawa ay nararapat sa kanyang sahod.” 19 Huwag kang tatanggap ng anumang paratang laban sa matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi. (B)
20 Ang nagpapatuloy naman sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat upang matakot ang iba. 21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng mga piniling anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga tagubiling ito nang walang kinikilingan at huwag gumawa ng anuman na may pagtatangi.
22 Huwag kang kaagad-agad na magpapatong ng kamay kung kani-kanino. Ingatan mong hindi ka makibahagi sa kasalanan ng iba. Panatilihin mong dalisay ang iyong sarili.
23 Mula ngayon, huwag tubig na lamang ang iyong inumin. Uminom ka rin ng kaunting alak para sa iyong sikmura at madalas na pagkakasakit.
24 May mga taong hayag na ang pagkakasala bago pa man humarap sa hukuman. Ngunit ang kasalanan naman ng iba'y huli na kung mahayag.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.