Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
32 Ano (A) pa ba ang dapat kong sabihin? Kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at tungkol sa mga propeta. 33 Sa (B) pamamagitan ng pananampalataya, ang mga ito ay lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng bibig ng mga leon, 34 pumatay (C) ng naglalagablab na apoy, nakaligtas mula sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, at nagpaurong ng mga hukbong dayuhan. 35 Sa (D) pamamagitan ng pananampalataya, tinanggap ng mga kababaihan ang mga namatay nilang mahal sa buhay nang ang mga ito'y muling buhayin. Ang iba nama'y pinahirapan at tumangging mapalaya upang makamit ang higit na mabuting pagkabuhay na muli. 36 Ang (E) iba'y nagtiis ng paghamak at paghagupit, at maging ng pagkagapos at pagkabilanggo. 37 Ang iba ay (F) pinagbabato hanggang mamatay, ang iba ay nilagari at ang iba ay pinatay sa tabak. Lumakad silang suot ang balat ng mga tupa at kambing, na mga nagdarahop, pinag-uusig, at pinagmamalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpalabuy-laboy sila sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.
39 Ngunit ang lahat ng mga ito, bagaman kinalugdan ng Diyos dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako. 40 Dahil may inihandang mas maganda ang Diyos para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal malibang kasama tayo.
Ang Pagdisiplina ng Panginoon
12 Kaya nga, dahil napapalibutan tayo ng ganoon karaming mga saksi, iwaksi natin ang bawat bagay na nagpapabigat sa atin at ang kasalanang mahigpit na pumipigil sa atin, at takbuhin nating may pagtitiyaga ang takbuhing inilagay sa ating harapan. 2 Ituon natin kay Jesus ang ating paningin, sa kanya na nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya. Dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, ipinagwalang-bahala niya ang kahihiyan nito, at ngayo’y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.