Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Nanalangin si Ana
2 Si(A) Ana ay nanalangin din at sinabi,
“Nagagalak ang aking puso sa Panginoon;
ang aking lakas ay itinataas sa Panginoon.
Tinutuya ng aking bibig ang aking mga kaaway;
sapagkat ako'y nagagalak sa iyong kaligtasan.
2 “Walang banal na gaya ng Panginoon;
sapagkat walang iba maliban sa iyo,
walang batong gaya ng aming Diyos.
3 Huwag na kayong magsalita nang may kapalaluan;
huwag lumabas sa inyong bibig ang kahambugan;
sapagkat ang Panginoon ay Diyos ng kaalaman,
at ang mga kilos ay kanyang tinitimbang.
4 Nabali ang mga pana ng mga makapangyarihan,
ngunit ang mahihina ay nagbigkis ng kalakasan.
5 Ang mga busog ay nagpaupa dahil sa tinapay;
subalit ang dating gutom, gutom nila'y naparam.
Ang baog ay pito ang isinilang,
ngunit ang may maraming anak ay namamanglaw.
6 Ang Panginoon ay pumapatay at bumubuhay;
siya ang nagbababa sa Sheol at nag-aahon.
7 Ang Panginoon ay nagpapadukha at nagpapayaman;
siya ang nagpapababa, at siya rin ay nagpaparangal.
8 Kanyang ibinabangon ang dukha mula sa alabok,
itinataas niya ang nangangailangan mula sa bunton ng abo,
upang sila'y paupuing kasama ng mga pinuno,
at magmana ng trono ng karangalan.
Sapagkat ang mga haligi ng lupa ay sa Panginoon,
at sa mga iyon ay ipinatong niya ang sanlibutan.
9 “Kanyang iingatan ang mga paa ng kanyang mga banal;
ngunit ang masama ay ihihiwalay sa kadiliman;
sapagkat hindi dahil sa lakas na ang tao'y nagtatagumpay.
10 Ang mga kaaway ng Panginoon ay madudurog;
laban sa kanila sa langit siya'y magpapakulog.
Hahatulan ng Panginoon ang mga dulo ng lupa;
bibigyan niya ng kalakasan ang kanyang hari,
at itataas ang kapangyarihan ng kanyang hinirang.”
Ipinanganak si Isaac
21 Dinalaw ng Panginoon si Sara ayon sa sinabi niya, at ginawa ng Panginoon kay Sara ang ayon sa kanyang pangako.
2 Si(A) Sara ay naglihi at nagkaanak ng isang lalaki kay Abraham sa kanyang katandaan, sa takdang panahong sinabi ng Diyos sa kanya.
3 Tinawag ni Abraham na Isaac ang anak na ipinanganak sa kanya ni Sara.
4 At(B) tinuli ni Abraham ang anak niyang si Isaac pagkaraan ng walong araw gaya ng iniutos ng Diyos sa kanya.
5 Si Abraham ay isandaang taong gulang nang ipanganak si Isaac na kanyang anak.
6 Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Diyos, sinumang makarinig ay makikitawa sa akin.”
7 At sinabi niya, “Sino ang magsasabi kay Abraham na si Sara ay magpapasuso ng mga anak? Ngunit ako'y nagkaanak pa sa kanya ng isang lalaki sa kanyang katandaan.”
Pinalayas sina Hagar at Ismael
8 Lumaki ang sanggol, at inawat sa pagsuso; at nagdaos ng malaking handaan si Abraham nang araw na ihiwalay sa pagsuso si Isaac.
9 Subalit nakita ni Sara ang anak ni Hagar na taga-Ehipto, na ipinanganak kay Abraham, na nakikipaglaro sa anak niyang si Isaac.
10 Kaya't(C) sinabi niya kay Abraham, “Palayasin mo ang aliping ito at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng aliping ito na kahati ng aking anak na si Isaac.”
11 Ang bagay na ito ay naging lubhang mabigat sa kalooban ni Abraham dahil sa kanyang anak.
12 Sinabi(D) ng Diyos kay Abraham, “Huwag kang magdamdam ng dahil sa bata at dahil sa iyong aliping babae. Makinig ka sa lahat ng sasabihin sa iyo ni Sara sapagkat sa pamamagitan ni Isaac papangalanan ang iyong binhi.
13 Ang anak ng alipin ay gagawin ko ring isang bansa, sapagkat siya'y iyong binhi.”
14 Kinaumagahan, maagang bumangon si Abraham at kumuha ng tinapay at lalagyan ng tubig na yari sa balat at ibinigay kay Hagar. Ipinatong ang mga ito sa kanyang balikat at ang bata at siya ay pinaalis. Siya'y umalis at nagpagala-gala sa ilang ng Beer-seba.
15 Nang maubos ang tubig sa lalagyang-balat, kanyang inilapag ang bata sa ilalim ng isa sa mabababang puno.
16 At siya'y umalis at umupo sa tapat ng bata na ang layo ay may isang banat ng pana at sinabi niya, “Ayaw kong makita ang kamatayan ng bata.” At pag-upo niya sa tapat ng bata,[a] siya'y nagsisigaw at umiiyak.
17 Narinig ng Diyos ang tinig ng bata; at mula sa langit ay tinawag ng anghel ng Diyos si Hagar at sinabi sa kanya, “Napaano ka, Hagar? Huwag kang matakot; sapagkat narinig ng Diyos ang tinig ng bata sa kanyang kinalalagyan.
18 Tumindig ka, itayo mo ang bata at alalayan mo siya ng iyong kamay sapagkat siya'y gagawin kong isang malaking bansa.”
19 Binuksan ng Diyos ang kanyang mga mata at siya'y nakakita ng isang balon ng tubig. Pumunta siya roon at pinuno ng tubig ang lalagyang-balat at pinainom ang bata.
20 Ang Diyos ay kasama ng bata at siya'y lumaki, at nanirahan sa ilang at naging sanay sa paggamit ng pana.
21 Tumira siya sa ilang ng Paran at ikinuha siya ng kanyang ina ng asawa sa lupain ng Ehipto.
Paghahambing kina Hagar at Sarah
21 Sabihin ninyo sa akin, kayong nagnanais mapasailalim ng kautusan, hindi ba ninyo naririnig ang kautusan?
22 Sapagkat(A) nasusulat na si Abraham ay nagkaroon ng dalawang anak, isa mula sa aliping babae, at ang isa ay sa babaing malaya.
23 Subalit ang mula sa alipin ay ipinanganak ayon sa laman, at ang mula sa babaing malaya ay sa pamamagitan ng pangako.
24 Ang mga bagay na ito ay isang paghahambing, sapagkat ang mga babaing ito'y dalawang tipan. Ang isa ay si Hagar na mula sa bundok ng Sinai na nanganganak para sa pagkaalipin.
25 Ngayon, si Hagar ay bundok ng Sinai sa Arabia at katumbas ng kasalukuyang Jerusalem, sapagkat siya'y nasa pagkaalipin kasama ng kanyang mga anak.
26 Ngunit ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, na siyang ating ina.
27 Sapagkat(B) nasusulat,
“Magalak ka, ikaw na baog, ikaw na hindi nanganganak;
bigla kang umawit at sumigaw, ikaw na hindi nakakaranas ng sakit sa panganganak;
sapagkat mas marami pa ang mga anak ng pinabayaan
kaysa mga anak ng may asawa.”
28 At kayo, mga kapatid, tulad ni Isaac, ay mga anak ng pangako.
29 Subalit(C) kung paanong inusig noon ng ipinanganak ayon sa laman ang ipinanganak ayon sa Espiritu, gayundin naman ngayon.
30 Subalit(D) ano ang sinasabi ng kasulatan? “Palayasin ang aliping babae at ang kanyang anak, sapagkat hindi magmamana ang anak ng babaing alipin na kasama ng anak ng babaing malaya.”
31 Kaya, mga kapatid, hindi tayo mga anak ng babaing alipin, kundi ng babaing malaya.
Ang Kalayaan kay Cristo
5 Para sa kalayaan ay pinalaya tayo ni Cristo; kaya't magpakatatag kayo at huwag pasakop na muli sa pamatok ng pagkaalipin.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001