Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 At dahil ganito mawawasak ang lahat ng bagay, anong uri ng pagkatao ang dapat ninyong ipamuhay? Hindi ba dapat kayong mamuhay na banal at maka-Diyos 12 habang hinihintay ninyo ang Araw ng Diyos at pinadadali ang pagdating nito? Sa araw na iyon, matutupok ang kalangitan at ang mga bagay na naroon ay matutunaw sa matinding init. 13 Ngunit, (A) naghihintay tayo sa pagdating ng pangako ng Diyos, ang bagong langit at ang bagong lupa na kung saan tinatahanan ng katuwiran.
14 Kaya nga, mga minamahal, habang hinihintay ninyo ang mga bagay na ito, sikapin ninyong mamuhay nang mapayapa, walang dungis at kapintasan sa paningin ng Diyos. 15 Isipin ninyong ang pagtitiis ng Panginoon ay para sa inyong kaligtasan. Ito rin ang isinulat sa inyo ng minamahal nating kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya ng Diyos. 16 Ganito ang lagi niyang sinasabi sa lahat ng kanyang mga sulat ukol sa paksang ito, bagama't may ilang bahagi sa kanyang liham ang mahirap unawain at binibigyan ng maling kahulugan ng mga mangmang at magugulo ang pag-iisip. Ganyan din ang kanilang ginagawa sa ibang mga Kasulatan, kaya nga't ipinapahamak nila ang kanilang sarili. 17 Ngayong alam na ninyo ito, mga kapatid, mag-ingat kayo upang hindi kayo mailigaw ng mga masasamang tao, nang sa gayo'y hindi kayo matinag sa inyong matatag na kalagayan. 18 Sa halip, pagsikapan ninyong lumago sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sa kanya ang kaluwalhatian ngayon at magpakailanman! Amen.[a]
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.