Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpili sa Kapalit ni Judas
12 Pagkatapos ay nagbalik ang mga alagad sa Jerusalem mula sa bundok ng mga Olibo na halos isang kilometro ang layo sa lungsod.[a] 13 Nang makapasok sila sa lungsod, tumuloy sila sa silid sa itaas na pansamantala nilang tinitirhan. Ang mga ito ay sina Pedro, Juan, Santiago, Andres, Felipe, Tomas, Bartolome, Mateo, Santiago na anak ni Alfeo, si Simon na Makabayan, at si Judas na anak ni Santiago. 14 Kasama ang mga babae at si Maria na ina ni Jesus, gayundin ang kanyang mga kapatid, nagkakaisang inilaan ng mga alagad ang kanilang mga sarili sa pananalangin.
15 Nang mga araw na iyon, habang nagtitipon ang may isandaan at dalawampung mga kapatid, tumindig si Pedro sa gitna nila at nagsabi, 16 “Mga kapatid,[b] kailangang matupad ang Kasulatan, na noon pa ma'y sinabi na ng Banal na Espiritu sa pamamagitan ni David, tungkol kay Judas na nanguna sa pagdakip kay Jesus. 17 Dati siyang kabilang sa atin at nabigyan ng bahagi sa paglilingkod na ito.
21 Kaya mula sa mga nakasama namin sa buong panahong naglilibot ang Panginoong Jesus kasama kami, 22 buhat sa pagbabautismo ni Juan hanggang siya'y kunin mula sa atin, isa sa mga ito ay dapat maging kasama namin bilang saksi na si Jesus ay muling nabuhay. 23 Iminungkahi nila si Jose na tinatawag na Barsabas, na kilala rin sa pangalang Justo, at si Matias. 24 Nanalangin sila ng ganito, ‘Panginoon, kayo na nakaaalam sa puso ng lahat, ipakita ninyo sa amin kung sino sa dalawang ito ang inyong hinirang 25 upang tumanggap ng katungkulan bilang apostol kapalit ni Judas, yamang ito'y kanyang tinalikuran at pumunta siya sa lugar na nararapat sa kanya.’ 26 Nagpalabunutan sila at si Matias ang napili. Kaya't idinagdag siya sa labing-isang apostol.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.