Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
23 At kapag may nagsabi sa inyo, ‘Tingnan ninyo, narito ang Cristo!’ o, ‘Naroon siya!’ huwag kayong maniwala. 24 Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na Cristo at mga huwad na propeta, at magpapakita ng mga kahanga-hangang himala at mga kababalaghan, na dahil dito'y maililihis, kung maaari, pati ang mga pinili. 25 Tandaan ninyo, sinabi ko na sa inyo bago pa man ito mangyari. 26 Kaya, (A) kapag sinabi nila sa inyo, ‘Tingnan ninyo, naroon siya sa ilang,’ huwag kayong lumabas. Kung sabihin nila, ‘Tingnan ninyo, nasa loob siya ng mga silid,’ huwag kayong maniwala. 27 Sapagkat kung paano dumarating ang kidlat mula sa silangan at gumuguhit hanggang sa kanluran, sa gayunding paraan ang pagdating ng Anak ng Tao. 28 Kung (B) nasaan ang bangkay, doon nagkakatipon ang mga buwitre.[a]
Ang Pagdating ng Anak ng Tao(C)
29 “At (D) kasunod agad ng kapighatian sa mga araw na iyon ay magdidilim ang araw, at ang buwan ay hindi magbibigay ng kanyang liwanag, at ang mga bituin ay mahuhulog mula sa langit, at ang mga kapangyarihan ng kalangitan ay mayayanig. 30 Pagkatapos (E) ay lilitaw sa langit ang palatandaan ng Anak ng Tao, at magluluksa ang lahat ng mga lipi sa lupa. Makikita nila ang Anak ng Tao na dumarating na nasa ibabaw ng mga ulap sa himpapawid, taglay ang kapangyarihan at maringal na kaluwalhatian. 31 At isusugo niya ang kanyang mga anghel na may malakas na hudyat ng trumpeta. Titipunin nila ang kanyang mga pinili mula sa apat na ihip ng hangin, mula sa isang dulo ng kalangitan hanggang sa kabila.
Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(F)
32 “Ngayon ay matuto kayo ng aral mula sa puno ng igos: kapag malambot na ang sanga nito at sumisibol na ang mga dahon, nalalaman ninyong malapit na ang tag-init. 33 Gayundin naman, kapag nakita ninyo ang lahat ng mga pangyayaring ito, alam ninyong ito[b] ay malapit na, nasa may pintuan na. 34 Tinitiyak ko sa inyo, hindi lilipas ang salinlahing ito, hanggang hindi nagaganap ang lahat ng mga ito. 35 Lilipas ang langit at ang lupa, ngunit hindi kailanman lilipas ang aking mga salita.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.