Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
11 Gawin ninyo ito dahil alam na ninyong panahon na ngayon upang kayo'y gumising mula sa inyong pagkakahimbing. Ang ating kaligtasan ay mas malapit na ngayon kaysa noong una nang tayo ay sumampalataya. 12 Lumalalim na ang gabi, at papalapit na ang araw. Kaya't hubarin na natin ang mga gawa ng dilim, at isuot ang kasuotang pandigma mula sa liwanag. 13 Mamuhay tayo nang marangal, gaya ng paglakad sa liwanag, hindi sa kalayawan at paglalasing, sa kalaswaan at kahalayan, sa mga away at pagseselos. 14 Sa halip, isapuso ninyo ang Panginoong Jesu-Cristo, at huwag bigyang-daan ang hilig ng laman patungo sa mga pagnanasa nito.
Walang Taong Nakakaalam ng Araw o Oras na Iyon(A)
36 “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit, kahit ang Anak, (B) maliban sa Ama. 37 Kung paano noong kapanahunan ni Noe, gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 38 Sapagkat kung paano noong mga araw na iyon bago dumating ang baha, ang mga tao'y kumakain at umiinom, nag-aasawa at pinag-aasawa, hanggang sa araw na pumasok si Noe sa daong. 39 At (C) wala silang kaalam-alam hanggang sa dumating ang baha, at tinangay silang lahat. Gayundin naman sa pagdating ng Anak ng Tao. 40 Sa araw na iyon ay may dalawang taong pupunta sa bukid, kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 41 May dalawang babaing gumigiling ng butil sa gilingan. Kukunin ang isa, at ang isa'y iiwan. 42 Kaya't magbantay kayo, sapagkat hindi ninyo alam kung anong araw[a] darating ang inyong Panginoon. 43 (D) Unawain ninyo ito: Kung alam ng may-ari ng bahay kung anong bahagi ng gabi darating ang magnanakaw, magbabantay siya at hindi niya hahayaang malooban ang kanyang bahay. 44 Dahil dito'y maging handa rin kayo, sapagkat ang Anak ng Tao ay darating sa oras na hindi ninyo aakalain.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.