Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Tinangisan ni Jesus ang Jerusalem(A)
37 “Jerusalem, Jerusalem! Ang lungsod na pumapatay ng mga propeta at bumabato sa mga isinusugo sa kanya! Ilang ulit kong ninais na tipunin ang iyong mga anak, na gaya ng pagtitipon ng inahing manok sa kanyang mga sisiw sa ilalim ng kanyang mga pakpak, ngunit ayaw ninyo! 38 Tingnan (B) ninyo, sa inyo'y iniiwang giba ang inyong bahay. 39 At (C) sinasabi ko sa inyo, mula ngayon ay hindi na ninyo ako makikita hanggang sabihin ninyo, ‘Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon.’ ”
Tungkol sa Pagkawasak ng Templo(D)
24 Si Jesus ay lumabas sa templo at paalis na nang lapitan siya ng kanyang mga alagad upang ipakita sa kanya ang mga gusali ng templo. 2 Sumagot siya sa kanila, “Hindi ba't nakikita ninyo ang lahat ng mga ito? Tinitiyak ko sa inyo, wala ritong maiiwan kahit isang bato na nasa ibabaw ng isa pang bato. Lahat ng mga ito'y pawang ibabagsak.”
Mga Kahirapan at Pag-uusig na Darating(E)
3 Habang si Jesus ay nakaupo sa Bundok ng mga Olibo, nilapitan siya nang sarilinan ng kanyang mga alagad. Sinabi nila, “Sabihin mo po sa amin, kailan magaganap ang mga bagay na ito at ano ang palatandaan ng iyong pagdating, at ng katapusan ng panahon?” 4 Sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Mag-ingat kayo! Huwag kayong palilinlang kaninuman. 5 Sapagkat maraming darating na gagamit ng aking pangalan, na magsasabing sila ang Cristo, at marami silang maililigaw. 6 At makaririnig kayo ng mga digmaan at ng usap-usapan ng mga digmaan. Mag-ingat kayo at huwag kayong mabahala, sapagkat kailangang mangyari ito, ngunit hindi pa ito ang wakas. 7 Lulusob ang mga bansa laban sa ibang bansa, at magdidigmaan ang mga kaharian. Magkakaroon ng taggutom at lilindol sa iba't ibang dako. 8 Subalit ang lahat ng mga ito ay simula pa lamang ng paghihirap na katulad ng sa panganganak.
9 “Pagkatapos (F) ay dadakpin kayo upang pahirapan at kayo'y papatayin. Kayo'y kamumuhian ng lahat ng mga bansa dahil sa aking pangalan. 10 Maraming tatalikod sa pananampalataya, magkakanulo sa isa't isa at mapopoot sa isa't isa. 11 Maglilitawan ang maraming huwad na propeta at lilinlangin nila ang marami. 12 Dahil sa paglaganap ng kasamaan, marami ang manlalamig sa kanilang pag-ibig. 13 Ngunit (G) ang matirang matibay hanggang wakas ay maliligtas. 14 At ang ebanghelyong ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong daigdig bilang patotoo sa lahat ng mga bansa. Pagkatapos ay darating ang wakas.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.