Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang kapangyarihan ng Anak
19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, walang anumang magagawa ang Anak mula sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat kung anuman ang ginagawa ng Ama, iyon din ang ginagawa ng Anak. 20 Sapagkat mahal ng Ama ang Anak, at ipinapakita niya sa kanya ang lahat ng ginagawa niya; at mas higit pa sa mga bagay na ito ang ipapakita ng Ama sa kanya, nang sa gayon, kayo ay mamangha. 21 At kung paanong ibinabangon at binubuhay ng Ama ang mga patay, gayon din namang bubuhayin ng Anak ang sinumang naisin niya. 22 Hindi hinahatulan ng Ama ang sinuman, ngunit ibinigay niya sa Anak ang lahat ng paghatol. 23 Sa gayon, ang lahat ay magpaparangal sa Anak tulad ng pagpaparangal nila sa Ama. Ang sinumang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi rin nagpaparangal sa Ama na nagsugo sa kanya. 24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig sa salita ko at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan; hindi na siya daranas ng paghatol, sapagkat nailipat na siya mula sa kamatayan patungo sa buhay. 25 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, darating ang oras, at ngayon na nga, kung saan maririnig ng mga patay ang tinig ng Anak ng Diyos, at ang mga makaririnig ay mabubuhay. 26 Sapagkat kung paanong ang Ama ay may buhay sa kanyang sarili, ipinagkaloob din niya sa Anak na magkaroon ng buhay sa kanyang sarili, 27 at ibinigay sa kanya ang kapangyarihang humatol, sapagkat siya ang Anak ng Tao. 28 Huwag kayong magtaka, sapagkat darating ang oras na ang lahat ng nasa libingan ay makaririnig sa kanyang tinig, 29 (A)at ang mga gumawa ng mabubuting bagay ay babangon tungo sa buhay, at ang mga gumawa ng masasamang bagay ay babangon tungo sa paghatol.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.