Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panimula
1 Mula kina Pablo, Silas at Timoteo,
Para sa iglesya ng mga taga-Tesalonica, mga hinirang ng Diyos Ama at ng Panginoong Jesu-Cristo: 2 Sumainyo ang kagandahang-loob at kapayapaan mula sa Diyos Ama at Panginoong Jesus-Cristo.
Ang Paghuhukom sa Muling Pagbabalik ni Cristo
3 Mga kapatid, dapat na kami'y laging magpasalamat sa Diyos dahil sa inyo sapagkat patuloy na lumalago ang inyong pananampalataya at lalong nagiging maalab ang inyong pag-ibig sa isa't isa. 4 Kaya naman ipinagmamalaki namin kayo sa mga iglesya ng Diyos dahil sa inyong pagtitiis at pananampalataya sa gitna ng mga pag-uusig at mga pagtitiis na dinaranas ninyo.
11 Dahil dito, lagi namin kayong ipinapanalangin sa Diyos, na tulungan niya kayo upang kayo'y maging karapat-dapat sa kanyang pagkatawag sa inyo. Dumadalangin din kaming igawad niya sa inyo ang kanyang kapangyarihan upang magawa ninyo ang lahat ng mabuting hangarin ninyo at mga gawang bunga ng pananampalataya. 12 Sa gayon, mabibigyan ninyo ng parangal ang ating Panginoong Jesus, at kayo nama'y pararangalan din niya, ayon sa kagandahang-loob ng ating Diyos at ng Panginoong Jesu-Cristo.
Si Jesus at si Zaqueo
19 Pumasok at nagdaan si Jesus sa Jerico. 2 May isang lalaki doon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay pinuno ng mga maniningil ng buwis at mayaman. 3 Sinisikap niyang makita kung sino si Jesus, subalit dahil sa dami ng tao ay hindi niya ito makita sapagkat siya ay pandak. 4 Kaya't patakbo siyang nauna at umakyat sa puno ng sikomoro, sapagkat si Jesus ay malapit nang dumaan doon. 5 Pagdating ni Jesus sa tapat niyon, tumingala siya at sinabi kay Zaqueo, “Zaqueo, dalian mo, bumaba ka sapagkat ngayo'y kailangan kong tumuloy sa iyong bahay.” 6 Kaya't nagmamadaling bumaba si Zaqueo at tuwang-tuwang pinatuloy si Jesus sa kanyang bahay. 7 Ang lahat ng nakakita nito ay nagsimulang magbulungan, “Pumasok siya upang maging panauhin sa bahay ng isang makasalanan.” 8 Tumayo si Zaqueo at sinabi sa Panginoon, “Panginoon, masdan po ninyo, ibibigay ko sa mahihirap ang kalahati ng aking pag-aari. At kung mayroon man akong dinaya, ibabalik ko iyon nang apat na ulit.” 9 At sinabi sa kanya ni Jesus, “Sa araw na ito, ang kaligtasan ay dumating sa bahay na ito, sapagkat ang taong ito ay anak din ni Abraham. 10 Sapagkat naparito ang Anak ng Tao upang hanapin at iligtas ang naligaw.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.