Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pakikidigma Laban sa Masama
10 Sa kahuli-hulihan, maging matibay kayo sa tulong ng Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang katatagan. 11 Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang mapaglabanan ninyo ang mga pakana ng diyablo. 12 Sapagkat ang pakikipaglaban natin ay hindi sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga makasanlibutang hukbo ng kadilimang ito, laban sa mga espirituwal na puwersa ng kasamaan na nasa kaitaasan. 13 Kaya't isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa pakikipaglaban pagdating ng araw ng kasamaan, at kung magawa na ninyo ang lahat ay makapanindigan kayong matatag. 14 Kaya't (A) manindigan kayo; gawin ninyong sinturon sa inyong mga baywang ang katotohanan, habang suot sa dibdib bilang pananggalang ang katuwiran. 15 (B) Isuot ninyo sa inyong mga paa ang kahandaan upang dalhin ang ebanghelyo ng kapayapaan. 16 Bukod sa mga ito, gamitin ninyo ang pananampalataya bilang kalasag, na sa pamamagitan nito ay mapapatay ninyo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama. 17 Gamitin ninyo ang (C) helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang salita ng Diyos. 18 Palagi kayong manalangin ng lahat ng uri ng panalangin at paghiling sa pamamagitan ng Espiritu, at sa bagay na ito'y maging mapagbantay kayo at patuloy na magsumamo para sa lahat ng mga banal. 19 Ipanalangin din ninyo na sa pagbuka ng aking bibig ay pagkalooban ako ng sasabihin, upang buong tapang kong maipahayag ang hiwaga ng ebanghelyo. 20 Dahil sa ebanghelyong ito, ako'y isang nakagapos na sugo. Ipanalangin nga ninyo na makapagpahayag ako nang may katapangan gaya ng nararapat kong gawin.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.