Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
8 Hindi sa inuutusan ko kayo, ngunit nais kong subukin ang katapatan ng inyong pag-ibig sa pamamagitan ng kasabikan ng iba na tumulong. 9 Sapagkat nalalaman ninyo ang biyaya ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kahit siya'y mayaman, naging dukha siya alang-alang sa inyo, upang kayo sa pamamagitan ng kanyang kahirapan ay maging mayaman. 10 At tungkol dito'y ito ang maipapayo ko: pinakamabuti para sa inyo ngayon na tapusin ang sinimulan ninyo nang nakaraang taon, hindi lamang ang paggawa kundi ang pagnanais sa inyong gagawin. 11 At ngayon, tapusin ninyo ang gawain, upang ang inyong matinding pagnanais na gawin iyon ay matumbasan ng pagsasagawa ninyo nito, ayon sa inyong makakaya. 12 Sapagkat kung talagang handang magbigay ang isang tao, tinatanggap ang kanyang kaloob batay sa kung anong mayroon siya, at hindi batay sa wala sa kanya. 13 Hindi sa nais kong guminhawa ang iba at kayo naman ay mabigatan, kundi upang magkaroon ng pagkakapantay-pantay. 14 Sa kasalukuyang panahon, ang inyong kasaganaan ang tutustos sa kanilang pangangailangan, upang balang araw ang kanilang kasaganaan naman ang tutustos sa inyong pangangailangan, sa gayon ay magkakaroon ng pagkakapantay-pantay. 15 Gaya (A) ng nasusulat,
“Ang nagtipon ng marami ay hindi nagkaroon ng labis,
at ang nagtipon ng kaunti ay hindi naman kinapos.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.