Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagbati
1 Mula kay Pablo, bilanggo dahil kay Cristo Jesus, at mula kay Timoteo na ating kapatid,
Para kay Filemon na minamahal naming kaibigan at kamanggagawa, 2 at (A) kay Apia na kapatid nating babae, at kay Arquipo na ating kapwa kawal, at sa iglesyang nagtitipon sa iyong bahay: 3 Sumaiyo nawa ang biyaya at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pag-ibig at Pananampalataya ni Filemon
4 Lagi akong nagpapasalamat sa aking Diyos tuwing isinasama kita sa aking mga dalangin, 5 sapagkat nababalitaan ko ang pag-ibig na ipinapakita mo sa lahat ng mga banal at ang iyong pananampalataya sa Panginoong Jesus. 6 Idinadalangin kong ang pamamahagi mo ng iyong pananampalataya ay maging mabisa upang lubos mong maunawaan ang mga kabutihang dulot ng ating pakikipag-isa kay Cristo. 7 Kapatid, nagdulot sa akin ng malaking kagalakan at aliw ang iyong pag-ibig, sapagkat dahil sa iyo'y nabuhayan ng loob ang mga banal.
Nakiusap si Pablo para kay Onesimo
8 Kaya naman, bagama't dahil kay Cristo ay maaari kitang utusan ng dapat mong gawin, 9 mas minabuti kong makiusap sa iyo dahil sa pag-ibig. Akong si Pablo, ngayo'y matanda na at nakabilanggo pa dahil kay Cristo Jesus, 10 ay (B) nakikiusap sa iyo para sa aking anak na si Onesimo na naging anak ko nang ako'y nasa bilangguan. 11 Noon ay hindi ka nakinabang sa kanya, ngunit ngayo'y malaking tulong siya sa iyo at sa akin. 12 Pinababalik ko siya sa iyo, kasama ang aking sariling kalooban. 13 Ibig ko sanang manatili siya dito sa piling ko upang maglingkod sa akin bilang iyong kapalit habang ako'y nakabilanggo dahil sa ebanghelyo. 14 Ngunit ayaw kong gumawa ng anuman na wala kang pahintulot, upang maging bukal sa loob ang iyong kabutihan, at hindi sapilitan. 15 Marahil ito ang dahilan kung bakit nahiwalay siya sa iyo nang sandali, upang sa pagbabalik niya'y makasama mo siya habang panahon, 16 hindi na bilang alipin kundi higit pa sa isang alipin, bilang isang minamahal na kapatid. Napamahal na siya sa akin, ngunit lalo na sa iyo, hindi lang bilang tao kundi bilang kapatid sa Panginoon.
17 Kaya't kung itinuturing mo ako bilang katuwang, tanggapin mo siya na parang ako ang tinatanggap mo. 18 Kung siya ma'y nagkasala sa iyo, o may anumang pagkakautang, ako na lang ang singilin mo. 19 Kamay ko mismo ang sumusulat nito: akong si Pablo ang magbabayad sa iyo. Alalahanin mo lamang na utang mo sa akin ang iyong sarili. 20 Oo, kapatid ko, nais kong tulungan mo ako alang-alang sa Panginoon. Pasiglahin mo naman ang loob ko alang-alang kay Cristo.
21 Sinulatan kita dahil nagtitiwala akong gagawin mo ang hinihiling ko, at maaaring higit pa roon ang gagawin mo!
Ang Kabayaran ng Pagiging Isang Alagad(A)
25 Sumama sa paglalakbay ni Jesus ang napakaraming tao. Humarap siya sa kanila at sinabi, 26 “Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang lumalapit sa akin na hindi napopoot sa kanyang ama, ina, asawa, mga anak, mga kapatid, o maging sa kanyang sariling buhay. 27 Hindi maaaring maging alagad ko ang sinumang hindi nagpapasan ng kanyang sariling krus at sumusunod sa akin. 28 Sapagkat sino ba sa inyo na nagnanais magtayo ng tore ang hindi muna nauupo at inaalam ang magugugol upang matiyak kung mayroon siyang sapat na halaga hanggang matapos ito? 29 Baka kung nailagay na ang pundasyon at hindi ito makayang tapusin, kukutyain siya ng lahat ng makakakita sa kanya. 30 Sasabihin nila, ‘Nagsimulang magtayo ang taong ito pero hindi naman niya kayang tapusin iyon.’ 31 O sinong hari ang makikipagdigma sa ibang hari ang hindi muna nauupo at sumasangguni sa kanyang mga tagapayo kung kayang manalo ng kanyang sampung libong kawal laban sa kalaban niyang sumusugod na may dalawampung libong kawal? 32 Kung hindi niya kaya, habang malayo pa ang kaaway ay magpapadala na siya ng sugo upang makipagkasundo para sa kapayapaan. 33 Kaya nga't sino man sa inyo na hindi magtatakwil sa lahat ng kanyang pag-aari ay hindi maaaring maging alagad ko.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.