Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't (A) gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso tulad noong sila’y naghimagsik,
noong araw na sila’y subukin sa ilang,
9 kung saan sinubok ako ng inyong mga magulang,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Ang puso nila'y laging lumalayo sa akin,
at ang mga daan ko'y ayaw nilang alamin.’
11 Kaya sa aking galit ay isinumpa ko,
‘Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.’ ”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyo na magkaroon ng pusong masama at walang pananampalataya, na ito’y naglalayo sa buháy na Diyos. 13 Palakasin ninyo ang loob ng isa't isa araw-araw, habang matatawag pa itong “araw na ito,” baka sinuman sa inyo ay patigasin ng pandaraya ng kasalanan. 14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung matatag nating panghahawakan hanggang katapusan ang pagtitiwalang ipinakita natin noong una pa man. 15 Gaya (B) ng sinasabi,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong sila’y naghimagsik.”
16 Sapagkat (C) sino ba ang mga naghimagsik bagaman sila’y nakarinig? Hindi ba silang lahat na umalis sa Ehipto sa pangunguna ni Moises? 17 Kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala na ang mga bangkay ay kumalat sa ilang? 18 At sino ba ang tinukoy niya noong siya’y sumumpa na sila’y hindi makakapasok sa kanyang kapahingahan? Hindi ba't ang mga matitigas ang ulo? 19 Kaya't nakikita natin na hindi sila nakapasok dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
4 Dahil nananatili pang may bisa ang pangakong makapasok sa kanyang kapahingahan, mag-ingat tayo at baka mayroon sa inyo na hindi makapasok doon. 2 Sapagkat tulad ng naranasan natin ay dumating din sa kanila ang Magandang Balita; ngunit ang salitang narinig nila'y hindi nila pinakinabangan, sapagkat hindi nila sinamahan ng pananampalataya ang kanilang pakikinig. 3 Tayong sumampalataya ay pumapasok sa kapahingahang iyon, gaya ng sinabi ng Diyos,
“Sa aking galit ay isinumpa ko,
hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.”
Sinabi ito ng Diyos kahit na natapos na ang mga gawa niya mula nang itatag ang sanlibutan. 4 Sapagkat (D) ganito ang sinabi tungkol sa ikapitong araw sa isang bahagi ng Kasulatan, “At sa ikapitong araw ay nagpahinga ang Diyos sa lahat ng kanyang mga gawa.” 5 At (E) sa dakong ito naman ay muling sinabi, “Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.” 6 Kaya't dahil nananatili pang bukás para sa ilan ang makapasok doon, at dahil sa pagsuway ay hindi nakapasok ang mga naunang pinangaralan ng Magandang Balita, 7 muling (F) nagtakda ang Diyos ng isang araw, “Sa araw na ito;” ayon nga sa mga salitang nabanggit, sinabi sa pamamagitan ni David paglipas ng ilang panahon,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso.”
8 Sapagkat (G) kung ang mga Israelita ay nabigyan ni Josue ng kapahingahan, hindi na sana nagsalita pa ang Diyos paglipas ng ilang panahon tungkol sa isa pang araw ng kapahingahan. 9 Kaya't may nakalaan pang isang Sabbath na kapahingahan para sa bayan ng Diyos; 10 sapagkat (H) ang pumasok sa kapahingahang ibinigay ng Diyos ay nagpahinga rin sa kanyang mga gawa, gaya ng Diyos na nagpahinga rin sa kanyang paglikha. 11 Kaya't magsikap tayong pumasok sa kapahingahang iyon, upang walang sinumang mabuwal dahil sa pagsunod sa halimbawa ng pagsuway ng mga Israelita noon.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.