Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagkahirang ng Diyos sa Israel
9 Yamang ako'y kay Cristo, katotohanan ang sinasabi ko; sa pamamagitan ng Banal na Espiritu ay nagpapatotoo ang aking budhi at hindi ako nagsisinungaling. 2 Matindi ang aking kalungkutan at di mapawi ang pagdaramdam ng aking puso, 3 dahil sa aking mga kababayan at kalahi. Nanaisin ko pang ako'y sumpain at mahiwalay kay Cristo alang-alang sa kanila. 4 Sila'y (A) mga Israelita, sila'y kinupkop bilang mga anak. Ipinakita sa kanila ang kaluwalhatian ng Diyos; ibinigay sa kanila ang pakikipagtipan at ang Kautusan, ang tungkol sa pagsamba, at ang mga pangako. 5 Sa kanila ang mga patriyarka, at sa kanilang lahi nagmula ang Cristo ayon sa laman, Diyos na Kataas-taasan at Maluwalhati magpakailanpaman. Amen.[a]
6 Hindi nangangahulugang nawalan ng saysay ang salita ng Diyos. Sapagkat hindi naman lahat ng buhat sa Israel ay kabilang sa Israel. 7 At (B) hindi rin lahat ng nagmula kay Abraham ay mga anak ni Abraham, sa halip—nasusulat, “Sa pamamagitan ni Isaac, ang iyong mga anak ay kikilalanin.” 8 Ang ibig sabihin nito, hindi lahat ng anak ayon sa laman ay ibinibilang na anak ng Diyos, kundi iyong mga ipinanganak ayon sa pangako ng Diyos. 9 Sapagkat (C) ganito ang isinasaad ng pangako, “Sa ganito ring panahon ay babalik ako at magkakaanak si Sarah ng isang lalaki.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.