Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Cristo, Ang Pangunahin sa Lahat
15 Siya ang larawan ng Diyos na di-nakikita, ang pangunahin sa lahat ng mga nilikha; 16 sapagkat sa pamamagitan niya ay nilikha ang lahat ng bagay na nasa langit at nasa lupa, ang mga bagay na nakikita at ang mga hindi nakikita, maging ang mga trono o mga pamamahala, o mga pamunuan o mga may kapangyarihan—lahat ng bagay ay nilikha sa pamamagitan niya at para sa kanya. 17 Siya mismo ay una sa lahat, at ang lahat ng mga bagay ay nananatiling sama-sama sa pamamagitan niya. 18 Siya (A) ang ulo ng katawan, ang iglesya. Siya ang pasimula, ang pangunahin sa mga binuhay mula sa kamatayan, upang sa lahat ng bagay ay siya ang maging kataas-taasan. 19 Sapagkat ikinalugod ng Diyos na ang kanyang buong kalikasan ay manirahan kay Cristo, 20 at (B) sa pamamagitan niya ay ipagkasundo sa kanyang sarili ang lahat ng bagay, nasa lupa man o sa langit, na sa pamamagitan ng kanyang dugo na dumanak sa krus ay nakamtan ang kapayapaan.
21 At kayo, dati'y napakalayo, mga sumasalungat sa kanya sa inyong pag-iisip at namumuhay sa masasamang gawa. 22 Ngayon ay ipinakipagkasundo niya kayo sa pamamagitan ng kamatayan ng kanyang katawang laman na namatay, upang sa paningin ng Diyos kayo'y maiharap na mga banal, hindi mapaparatangan ng anuman at walang dungis, 23 kung kayo nga'y nananatili sa pananampalataya, naninindigang mabuti, matatag at hindi natitinag sa pag-asang mula sa ebanghelyo. Ito'y inyong narinig at naipangaral na sa lahat ng tao sa silong ng langit; para sa ebanghelyong ito, akong si Pablo ay naging lingkod.
Paglilingkod ni Pablo sa Iglesya
24 Ikinagagalak ko ngayon ang aking mga pagdurusa para sa inyo, at sa pamamagitan ng aking katawan ay nadaragdagan ko ang anumang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, ang iglesya. 25 Ako'y naging lingkod nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin, upang maipahayag sa inyo nang lubusan ang salita ng Diyos. 26 Ito ang hiwaga na iningatang lihim sa napakahabang panahon at sa mga salinlahi, ngunit ngayo'y malinaw na inihayag sa kanyang mga banal. 27 Ninais ng Diyos na ipaunawa sa kanila ang napakaluwalhating kayamanan ng hiwagang ito sa gitna ng mga bansa, na ito'y si Cristo na nasa inyo, ang pag-asa tungo sa kaluwalhatian. 28 Siya ang aming ipinangangaral. Binabalaan namin at tinuturuan ang bawat isa nang buong karunungan, upang ang bawat tao ay maiharap naming nasa ganap na kalagayan kay Cristo.
Dinalaw ni Jesus sina Marta at Maria
38 Sa pagpapatuloy ng kanilang paglalakbay, pumasok si Jesus sa isang nayon. Isang babae roon, na ang pangala'y Marta, ang malugod na tumanggap kay Jesus sa kanyang bahay. 39 Mayroon siyang kapatid na babae na ang pangalan ay Maria, na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa mga sinasabi ni Jesus. 40 Ngunit nag-aalala si Marta sa dami ng gawain kaya't lumapit siya kay Jesus at nagsabi, “Panginoon, wala bang anuman sa inyo na pinababayaan ako ng aking kapatid na maglingkod mag-isa? Sabihin ninyo sa kanya na tumulong sa akin.” 41 Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Marta, Marta, nag-aalala ka at nababagabag sa maraming bagay. 42 ngunit isang bagay lamang ang kailangan. Pinili ni Maria ang mabuting bahagi at ito'y hindi kukunin sa kanya.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.