Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
25 May isang tao noon sa Jerusalem na ang pangalan ay Simeon. Ang lalaking ito ay matuwid at masipag sa kabanalan at naghihintay sa pagpapalaya sa Israel. Sumasakanya ang Banal na Espiritu. 26 Ipinahayag ng Banal na Espiritu sa kanya na makikita muna niya ang Cristo ng Panginoon bago siya mamatay. 27 Sa patnubay ng Espiritu ay pumasok si Simeon sa templo. At nakita niya na dala-dala si Jesus ng kanyang mga magulang upang gawin ang nakaugalian ayon sa Kautusan. 28 Kinarga ni Simeon ang sanggol at nagpuri sa Panginoon. Sinabi niya,
29 “Ngayon, Panginoon ko, ayon sa inyong ipinangako,
mapayapa mo nang kunin ang iyong alipin.
30 Sapagkat namalas na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas,
31 na inyong inihanda, sa harap ng lahat ng bansa:
32 Isang ilaw ng pagpapahayag sa mga Hentil
at para sa kaluwalhatian ng bansa mong Israel.”
33 Ang ama at ina ng sanggol ay namangha sa mga sinabi tungkol sa kanya. 34 At binasbasan sila ni Simeon at sinabi kay Maria na ina ng sanggol, “Tandaan mo ang sasabihin ko: itinalaga ang batang ito para sa pagbagsak at pagbangon ng marami sa Israel. Siya'y magiging tanda na sasalungatin ng marami, 35 at mahahayag ang iniisip ng marami—at tila isang balaraw ang tatarak sa iyong puso.” 36 Naroon din si Ana, isang propetang babae na anak ni Fanuel, mula sa lipi ni Aser. Napakatanda na niya. Pitong taon niyang nakapiling ang kanyang asawa matapos maikasal. 37 Ngayon ay isa na siyang balo sa edad na walumpu't apat. Hindi niya nililisan ang templo kundi araw at gabi siyang nag-aayuno at nananalangin doon. 38 Pagdating niya nang mga oras na iyon, nagpuri siya sa Diyos at nagsimulang magsalita tungkol sa sanggol sa lahat ng mga naghihintay ng katubusan ng Israel.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.