Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)
Version
Mga Gawa 9:36-43

Ang Pagbuhay kay Dorcas

36 May isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabitha, na ang katumbas ay Dorcas. Ginugugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng mabuti at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, siya'y kanilang ibinurol sa isang silid sa itaas. 38 Dahil malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na naroroon si Pedro, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.” 39 Kumilos agad si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, sinamahan siya sa silid sa itaas. Lumapit sa kanya ang mga babaing balo at umiiyak na ipinakita sa kanya ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas noong siya'y kasama pa nila. 40 Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabitha, bumangon ka.” Iminulat ni Dorcas ang kanyang mga mata, at naupo nang makita niya si Pedro. 41 Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy. 42 Napabalita ito sa buong Joppa at marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Nanatili si Pedro sa Joppa sa loob ng maraming araw, kasama ni Simon na isang tagapagbilad ng balat ng hayop.

Error: 'Awit 23 ' not found for the version: Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version
Pahayag 7:9-17

Ang Makapal na Bilang ng Tao mula sa Bawat Bansa

Pagkatapos nito ay tumingin ako, at naroon ang napakakapal na bilang ng taong hindi kayang bilangin ng sinuman, mula sa bawat bansa, mula sa lahat ng lipi, mga bayan, at mga wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at sa harap ng Kordero, nakasuot ng puting damit at may hawak-hawak na mga sanga ng palma. 10 Sumisigaw sila na nagsasabi,

“Ang kaligtasan ay buhat sa ating Diyos na nakaupo sa trono at sa Kordero!”

11 At lahat ng anghel ay tumayo sa paligid ng trono, sa paligid ng matatanda, at ng apat na buháy na nilalang. Nagpatirapa sila sa harap ng trono at sinamba ang Diyos, 12 na nagsasabi,

“Amen! Sa aming Diyos ang kapurihan,
kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat,
karangalan, kapangyarihan at kalakasan
magpakailanpaman! Amen.”

13 Isa sa matatanda ang nagtanong sa akin, “Sino ang mga ito na nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?” 14 Sinabi ko sa kanya, “Ginoo, (A) ikaw po ang nakaaalam.” At sinabi niya sa akin, “Ang mga ito ang nanggaling sa matinding kapighatian; hinugasan nila at pinaputi ang kanilang mga damit sa pamamagitan ng dugo ng Kordero.

15 Dahil dito, sila'y nasa harap ng trono ng Diyos,
    at naglilingkod sa kanya araw-gabi sa kanyang templo,
    at sila'y kukupkupin ng nakaupo sa trono.
16 Hindi (B) na sila magugutom ni mauuhaw man;
    hindi na sila sasaktan ng sikat ng araw,
    o ng anumang nakapapasong init;
17 sapagkat (C) ang Korderong nasa gitna ng trono ang kanilang magiging pastol,
    at kanyang aakayin sila tungo sa mga bukal ng tubig ng buhay,
at papahirin ng Diyos ang luha sa kanilang mga mata.”

Juan 10:22-30

Tinanggihan ng mga Judio si Jesus

22 (A)Taglamig noon at sa Jerusalem ay ipinagdiriwang ang Pista ng Pagtatalaga. 23 Si Jesus ay naglalakad sa templo, sa portiko ni Solomon. 24 Pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw ang Cristo, sabihin mo sa amin nang malinaw.” 25 Sumagot si Jesus sa kanila, “Sinabi ko na sa inyo ngunit hindi kayo naniniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit hindi kayo naniniwala, dahil hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa tinig ko ang aking mga tupa. Kilala ko sila at sumusunod sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan at kailanma’y hindi sila mamamatay. Walang makaaagaw sa kanila mula sa aking kamay. 29 (B)Ang aking Ama ay higit na dakila; siya ang nagbigay sa akin ng lahat at walang makaaagaw sa kanila mula sa kamay ng aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version (FSV)

Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.