Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagpapahayag ng Banal na Espiritu ng Diyos
6 Ngunit sa mga nasa hustong gulang ay nagsasalita kami ng karunungan, gayunma'y hindi ang karunungan ng kapanahunang ito, o ng mga pinuno sa kapanahunang ito, na pawang mawawalan ng kabuluhan. 7 Sa halip, ang sinasabi namin ay ang hiwaga at itinagong karunungan ng Diyos, na kanyang itinalaga bago pa nagkaroon ng mga panahon para sa kaluwalhatian natin. 8 Wala ni isa man sa mga pinuno ng kapanahunang ito ang nakaalam nito, sapagkat kung ito'y nalaman nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang Panginoon ng kaluwalhatian. 9 Subalit tulad ng nasusulat,
“Ang mga bagay na hindi nakita ng mata, at hindi narinig ng tainga,
at hindi pumasok sa puso ng tao,
ay ang mga bagay na inihanda ng Diyos para sa kanila na nagmamahal sa kanya.”
10 Ngunit ipinahayag ito sa amin ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu; sapagkat sinisiyasat ng Espiritu ang lahat ng bagay, pati ang malalalim na bagay tungkol ng Diyos. 11 Sapagkat sino ang nakaaalam ng mga iniisip ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Gayundin naman, walang nakaaalam ng mga iniisip ng Diyos, kundi ang Espiritu ng Diyos. 12 Kami ay tumanggap, hindi ng espiritu ng sanlibutan, kundi ng Espiritung mula sa Diyos, upang malaman namin ang mga bagay na walang bayad na ipinagkaloob sa amin ng Diyos. 13 At ang mga bagay namang ito ay ipinapahayag namin hindi sa pamamagitan ng mga salitang ayon sa pagtuturo ng karunungan ng tao, kundi sa pagtuturo ng Espiritu, na aming ipinapaunawa ang mga bagay na espirituwal sa mga espirituwal. 14 Ngunit ang taong di-espirituwal ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat kahangalan ang mga iyon sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, yamang ang mga iyon ay hinahatulan sa espirituwal na paraan. 15 Hinahatulan naman ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, at hindi siya hinahatulan ng sinuman. 16 “Sapagkat sino ang nakaaalam sa pag-iisip ng Panginoon, upang magpayo sa kanya?” Subalit taglay namin[a] ang pag-iisip ni Cristo.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.