Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Ipinanganak sina Esau at Jacob
19 Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Isaac na anak ni Abraham.
20 Si Isaac ay 40 taong gulang nang napangasawa niya si Rebeka na anak ni Betuel na Arameo na taga-Padan Aram.[a] Si Rebeka ay kapatid ni Laban na Arameo rin.
21 Dahil baog si Rebeka, nanalangin si Isaac sa Panginoon na magkaanak ito. Tinugon ng Panginoon ang dalangin niya, kaya nagbuntis si Rebeka. 22 Naramdaman niya na nagtutulakan ang kambal na sanggol sa loob ng kanyang tiyan. Sinabi ni Rebeka, “Kung ganyan lang ang mangyayari sa kanila pagdating ng panahon mabuti pang mamatay na lang ako.” Kaya nagtanong siya sa Panginoon tungkol dito. Sinabi sa kanya ng Panginoon,
23 “Manggagaling sa dalawang sanggol na nasa tiyan mo ang dalawang bansa;
dalawang grupo ng mga tao na maglalaban-laban.
Ang isaʼy magiging makapangyarihan kaysa sa isa.
Ang nakatatanda ay maglilingkod sa nakababata niyang kapatid.”
24 Nang nanganak na si Rebeka, kambal ang anak niya. 25 Ang unang lumabas ay mapula-pula at balbon, kaya pinangalanan nila siyang Esau.[b] 26 Nang lumabas ang ikalawa, ang kamay niya ay nakahawak sa sakong ng kanyang kapatid, kaya pinangalanan nila siyang Jacob.[c] Si Isaac ay 60 taong gulang nang manganak si Rebeka ng kambal.
Ibinenta ni Esau ang Kanyang Karapatan bilang Panganay
27 Nang lumaki na ang dalawang sanggol, naging maliksing mangangaso si Esau at palagi lang siya sa bukid habang si Jacob naman ay tahimik na tao at palaging nasa loob ng mga tolda. 28 Mas nagustuhan ni Isaac si Esau dahil mahilig siyang kumain ng mga ipinangaso ni Esau, pero si Jacob naman ay mas nagustuhan ni Rebeka.
Ang Kadakilaan ni Cristo
15 Si Cristo ang larawan ng di-nakikitang Dios, at siya ang may kapangyarihan sa lahat ng nilikha. 16 Sapagkat sa pamamagitan niya, at para sa kanya, nilikha ang lahat ng nasa langit at nasa mundo, ang nakikita pati rin ang di-nakikita, katulad ng mga espiritung naghahari at namamahala, mga espiritung namumuno at may kapangyarihan. 17 Bago pa man likhain ang anumang bagay, naroon na si Cristo, at sa pamamagitan niya ang lahat ay nananatiling nasa kaayusan. 18 Si Cristo ang ulo ng iglesya na kanyang katawan. Siya ang pinagmulan[a] nito, ang unang nabuhay sa mga patay, para maging pinakadakila siya sa lahat. 19 Sapagkat minabuti ng Dios na ang pagka-Dios niya ay manahan nang lubos kay Cristo, 20 at sa pamamagitan ni Cristo, ipagkakasundo sa kanya ang lahat ng nilikha sa langit at sa mundo. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng dugo[b] ni Cristo sa krus.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®