Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Kapahingahan para sa Bayan ng Diyos
7 Kaya't (A) gaya ng sinasabi ng Banal na Espiritu,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso tulad noong sila’y naghimagsik,
noong araw na sila’y subukin sa ilang,
9 kung saan sinubok ako ng inyong mga magulang,
bagaman nakita nila ang aking mga gawa sa loob ng
10 apatnapung taon.
Kaya't nagalit ako sa lahing ito,
at aking sinabi, ‘Ang puso nila'y laging lumalayo sa akin,
at ang mga daan ko'y ayaw nilang alamin.’
11 Kaya sa aking galit ay isinumpa ko,
‘Hindi sila papasok sa kapahingahang ibibigay ko.’ ”
12 Mga kapatid, mag-ingat kayo, baka mayroon sa inyo na magkaroon ng pusong masama at walang pananampalataya, na ito’y naglalayo sa buháy na Diyos. 13 Palakasin ninyo ang loob ng isa't isa araw-araw, habang matatawag pa itong “araw na ito,” baka sinuman sa inyo ay patigasin ng pandaraya ng kasalanan. 14 Sapagkat tayo'y nagiging kabahagi ni Cristo, kung matatag nating panghahawakan hanggang katapusan ang pagtitiwalang ipinakita natin noong una pa man. 15 Gaya (B) ng sinasabi,
“Sa araw na ito, kung marinig ninyo ang kanyang tinig,
huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso, tulad noong sila’y naghimagsik.”
16 Sapagkat (C) sino ba ang mga naghimagsik bagaman sila’y nakarinig? Hindi ba silang lahat na umalis sa Ehipto sa pangunguna ni Moises? 17 Kanino nagalit ang Diyos sa loob ng apatnapung taon? Hindi ba sa mga nagkasala na ang mga bangkay ay kumalat sa ilang? 18 At sino ba ang tinukoy niya noong siya’y sumumpa na sila’y hindi makakapasok sa kanyang kapahingahan? Hindi ba't ang mga matitigas ang ulo? 19 Kaya't nakikita natin na hindi sila nakapasok dahil sa kawalan nila ng pananampalataya.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.