Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
15 Kaya't mag-ingat kayo sa uri ng inyong pamumuhay, hindi gaya ng mga mangmang, kundi gaya ng marurunong. 16 (A) Lubos ninyong gamitin ang pagkakataon, sapagkat ang mga araw ay masasama. 17 Kaya't huwag kayong maging mga hangal, sa halip ay unawain ninyo kung ano ang kalooban ng Panginoon. 18 Huwag kayong magpakalasing sa alak, na sanhi ng kahalayan, sa halip ay mapuspos kayo ng Espiritu. 19 Mag-usap-usap kayo (B) sa pamamagitan ng mga awit, ng mga himno at ng mga awiting espirituwal; mag-awitan kayo at mag-alay ng himig mula sa inyong mga puso sa Panginoon. 20 Sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, lagi kayong magpasalamat sa lahat ng mga bagay sa Diyos na ating Ama.
51 Ako ang tinapay na nabubuhay na bumaba mula sa langit; sinumang kumain sa tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman; at ang tinapay na ibibigay ko para sa ikabubuhay ng sanlibutan ay ang aking katawan.” 52 Kaya nagtalu-talo ang mga Judio na nagsasabing, “Paano ibibigay ng taong ito ang kanyang katawan para kainin natin?” 53 Dahil dito, sinabi ni Jesus sa kanila, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, malibang kainin ninyo ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili. 54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at bubuhayin ko siyang muli sa huling araw. 55 Sapagkat tunay na pagkain ang aking katawan, at totoong inumin ang aking dugo. 56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako ay mananatili rin sa kanya. 57 Kung paanong sinugo ako ng buhay na Ama at nabubuhay ako dahil sa Ama, ganoon din naman, ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin. 58 Ito ang tinapay na mula sa langit, hindi tulad ng kinain ng inyong mga ninuno na namatay; ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.