Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
4 Subalit sinabi ko ang mga ito sa inyo upang pagdating ng oras ay maalala ninyo ang sinabi ko tungkol sa kanila.
Ang Gawain ng Banal na Espiritu
“Hindi ko sinabi sa inyo ang mga ito noon, sapagkat kasama pa ninyo ako. 5 Ngayon, pupunta na ako sa kanya na nagsugo sa akin, gayunma'y wala sa inyong nagtatanong kung saan ako pupunta? 6 Subalit dahil sinabi ko na sa inyo ang mga ito, napuno na ng kalungkutan ang inyong mga puso. 7 Sinasabi ko sa inyo ang katotohanan, para sa inyong kapakanan na ako’y aalis. Sapagkat kung hindi ako aalis, hindi darating sa inyo ang Kaagapay. At kung ako’y aalis, isusugo ko siya sa inyo. 8 Sa kanyang pagdating, ilalantad niya ang kamalian ng sanlibutan tungkol sa kasalanan at sa katarungan at sa paghatol: 9 tungkol sa kasalanan, dahil hindi sila sumasampalataya sa akin; 10 tungkol sa katarungan, dahil pupunta ako sa Ama at hindi na ninyo ako makikita; 11 tungkol sa paghatol, dahil ang pinuno ng sanlibutang ito ay hinatulan na.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.