Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
29 Ang ibig kong sabihin, mga kapatid, ay maikli na ang panahon. Mula ngayon, ang mga may asawa ay mamuhay tulad sa walang asawa; 30 at ang mga umiiyak ay maging katulad ng mga hindi umiiyak, at ang mga natutuwa ay maging katulad ng mga hindi natutuwa; at ang mga bumibili ay maging katulad ng mga walang pag-aari, 31 at ang mga gumagamit ng mga bagay ng sanlibutan ay maging katulad ng mga hindi lubos na gumagamit nito. Sapagkat lumilipas ang anyo ng sanlibutang ito.
Ang Pasimula ng Pangangaral sa Galilea(A)
14 Nang maibilanggo na si Juan, nagpunta si Jesus sa Galilea at nangaral ng Magandang Balita mula sa Diyos. 15 Sinabi niya, (B) “Dumating na ang takdang panahon at malapit na ang paghahari ng Diyos. Kaya magsisi na kayo at sumampalataya sa Magandang Balitang ito!”
Ang Pagtawag sa mga Unang Alagad
16 Habang dumaraan si Jesus sa tabi ng Lawa ng Galilea, nakita niya ang magkapatid na mangingisdang sina Simon at Andres. Naghahagis sila noon ng lambat sa dagat. 17 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng mga tao.” 18 Kaagad iniwan ng dalawa ang kanilang mga lambat at sumunod kay Jesus. 19 Nang makalakad pa nang kaunti ay nakita niya ang magkapatid na sina Santiago at Juan, mga anak ni Zebedeo. Nasa bangka sila noon at nag-aayos ng mga lambat. 20 Tinawag din sila kaagad ni Jesus. Sumunod naman sila sa kanya at iniwan ang ama nilang si Zebedeo at ang kanilang mga upahang tauhan.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.