Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Pablo sa Efeso
19 Samantalang nasa Corinto si Apolos, dumaan si Pablo sa mga dakong loob ng lupain hanggang makarating sa Efeso. Natagpuan niya roon ang ilang alagad. 2 Nagtanong siya sa kanila, “Tinanggap ba ninyo ang Banal na Espiritu nang kayo'y sumampalataya?” Sumagot sila, “Hindi. Ni hindi pa namin narinig na may Banal na Espiritu.” 3 “Kung gayo'y sa ano kayo nabautismuhan?” tanong niya.
“Sa bautismo ni Juan,” sagot nila. 4 Sinabi (A) ni Pablo, “Nagbautismo si Juan ng bautismo ng pagsisisi. Sinabi niya sa mga tao na sila'y manampalataya sa darating na kasunod niya, samakatuwid ay si Jesus.” 5 Nang marinig nila ito, sila'y binautismuhan sa pangalan ng Panginoong Jesus. 6 Nang maipatong na ni Pablo sa kanila ang kanyang mga kamay, bumaba sa kanila ang Banal na Espiritu at sila'y nagsalita ng mga ibang wika at nagpahayag ng propesiya. 7 Sila'y humigit-kumulang sa labindalawang lalaki.
4 Dumating sa ilang si Juan na nagbabautismo at nangangaral tungkol sa bautismo ng pagsisisi tungo sa pagpapatawad ng mga kasalanan. 5 Pumupunta sa kanya ang lahat ng mga tao mula sa lupain ng Judea at sa Jerusalem. Ipinapahayag nila ang kanilang mga kasalanan at sila'y binabautismuhan niya sa Ilog Jordan. 6 Nakadamit (A) si Juan ng balahibo ng kamelyo, at yari sa balat ang kanyang sinturon. Mga balang at pulot-pukyutan ang kanyang pagkain. 7 Ganito ang kanyang ipinapangaral, “Dumarating na kasunod ko ang higit na makapangyarihan kaysa akin. At hindi man lamang ako karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang mga sandalyas. 8 Binautismuhan ko kayo sa tubig, ngunit babautismuhan niya kayo sa Banal na Espiritu.”
Ang Pagbautismo at Pagtukso kay Jesus(B)
9 Dumating noon si Jesus mula sa Nazareth ng Galilea, at siya'y binautismuhan ni Juan sa ilog Jordan. 10 Pagkaahon ni Jesus mula sa tubig, bigla niyang nakitang nabuksan ang kalangitan, habang ang Espiritu'y bumababa sa kanya tulad ng isang kalapati. 11 At (C) narinig mula sa kalangitan ang isang tinig, “Ikaw ang minamahal kong Anak, ikaw ang lubos kong kinalulugdan.”
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.