Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ni David.
17 O Panginoon, pakinggan mo ang matuwid na usapin, pansinin mo ang aking daing!
Mula sa mga labing walang pandaraya, dinggin mo ang aking panalangin.
2 Mula sa iyo ay manggaling ang aking kahatulan,
makita nawa ng iyong mga mata ang katuwiran!
3 Sinubok mo ang aking puso, dinalaw mo ako sa gabi,
nilitis mo ako at wala kang natagpuan,
ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi susuway.
4 Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng mga labi mo,
ang mga daan ng karahasan ay naiwasan ko.
5 Ang aking mga hakbang ay nanatili sa iyong mga landas,
ang aking mga paa ay hindi nadulas.
6 Ako'y tumatawag sa iyo, O Diyos, sapagkat ikaw ay sasagot sa akin,
ang iyong pandinig ay ikiling sa akin, ang aking mga salita ay pakinggan mo rin.
7 Ipakita mong kagila-gilalas ang tapat mong pagmamahal,
O tagapagligtas ng mga naghahanap ng kanlungan
mula sa kanilang mga kaaway sa iyong kanang kamay.
8 Gaya ng itim ng mata, ako ay ingatan mo,
sa lilim ng iyong mga pakpak, ako ay ikubli mo,
9 mula sa masama na nananamsam sa akin,
sa nakakamatay kong mga kaaway na pumapalibot sa akin.
10 Isinara nila ang kanilang mga puso sa kahabagan,
sa kanilang bibig ay nagsalita sila na may kapalaluan.
11 Kinubkob nga nila kami sa aming mga hakbang;
itinititig nila ang kanilang mga mata upang sa lupa kami ay ibuwal.
12 Sila'y parang leong sabik na manluray,
parang batang leon na sa mga tagong dako ay nag-aabang.
13 O Panginoon, bumangon ka, harapin mo sila, ibagsak mo sila!
Iligtas mo sa masama ang buhay ko sa pamamagitan ng tabak mo,
14 mula sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, O Panginoon ko,
mula sa mga tao na ang bahagi sa buhay ay sa sanlibutang ito.
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan,
sila'y nasisiyahan na kasama ng mga anak,
at iniiwan nila ang kanilang kayamanan sa kanilang mga sanggol.
15 Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran;
kapag ako'y gumising, aking mamamasdan ang iyong anyo at masisiyahan.
Ang Pangitain tungkol sa Pinakapunong Pari
3 Pagkatapos,(A) ipinakita niya sa akin si Josue na pinakapunong pari na nakatayo sa harapan ng anghel ng Panginoon, at si Satanas[a] na nakatayo sa kanyang kanan upang paratangan siya.
2 Sinabi(B) ng Panginoon kay Satanas, “Sawayin ka nawa ng Panginoon, O Satanas! Ang Panginoon na pumili sa Jerusalem ay sumaway nawa sa iyo! Di ba ito'y isang gatong na inagaw sa apoy?”
3 Si Josue nga na nakasuot ng maruming damit ay nakatayo sa harapan ng anghel.
4 Sinabi ng anghel sa mga nakatayo sa harapan niya, “Hubarin ninyo ang kanyang maruming kasuotan.” Sinabi ng anghel kay Josue, “Tingnan mo, aking inalis ang iyong kasamaan, at dadamitan kita ng magarang kasuotan.”
5 Aking sinabi, “Hayaang kanilang lagyan siya ng isang malinis na turbante sa kanyang ulo.” Kaya't nilagyan siya ng malinis na turbante sa kanyang ulo at dinamitan siya at ang anghel ng Panginoon ay nakatayo sa tabi.
6 Tinagubilinan ng anghel ng Panginoon si Josue,
7 “Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo: Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, at kung iyong susundin ang aking bilin, ikaw ang mamumuno sa aking bahay at mangangasiwa sa aking mga bulwagan. Bibigyan kita ng karapatang makalapit sa mga nakatayo rito.
8 Pakinggan(C) mo ngayon, O Josue na pinakapunong pari, ikaw at ang iyong mga kaibigan na nakaupo sa harapan mo, sapagkat sila'y mga palatandaan ng mga bagay na mangyayari. Ilalabas ko ang aking lingkod na Sanga.
9 Sapagkat, narito, ang bato na aking inilagay sa harapan ni Josue, sa ibabaw ng isang bato na may pitong mata, narito, ako'y mag-uukit ng titik nito,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “at aking aalisin ang kasamaan ng lupaing iyon sa loob ng isang araw.
10 Sa(D) araw na iyon,” sabi ng Panginoon ng mga hukbo, “aanyayahan ng bawat isa sa inyo ang kanyang kapwa sa lilim ng puno ng ubas at ng puno ng igos.”
4 Sapagkat kung hindi pinatawad ng Diyos ang mga anghel nang magkasala sila, kundi sila'y ibinulid sa impiyerno,[a] at nilagyan ng mga tanikala[b] ng kadiliman, upang ingatan hanggang sa paghuhukom;
5 at(A) kung paanong ang matandang daigdig ay hindi niya pinatawad, bagaman iniligtas si Noe na tagapangaral ng katuwiran, kasama ng pitong iba pa, noong ang daigdig ng masasamang tao ay dinalhan ng baha;
6 kung(B) paanong pinarusahan niya ng pagkalipol ang mga lunsod ng Sodoma at Gomorra na ginawa niyang abo, upang maging halimbawa sa mga mamumuhay sa kasamaan,
7 at(C) kung paanong iniligtas niya ang matuwid na si Lot, na lubhang nabagabag sa mahahalay na pamumuhay ng masasama
8 (sapagkat ang matuwid na taong ito na nabuhay na kasama nila araw-araw, ay lubhang nabagabag ang matuwid na kaluluwa dahil sa kanilang masasamang gawa na kanyang nakita at narinig),
9 kung gayon ang Panginoon ay marunong magligtas ng mga banal mula sa pagsubok at maglaan ng mga di-matuwid sa ilalim ng kaparusahan hanggang sa araw ng paghuhukom;
10 lalung-lalo na sa mga nagpapasasa sa kanilang laman sa pagnanasa, at hinahamak ang maykapangyarihan. Sila'y pangahas, matitigas ang ulo, at hindi natatakot na alipustain ang mga maluwalhati,
11 samantalang ang mga anghel, bagama't lalong dakila ang lakas at kapangyarihan, ay hindi nagdadala ng paghatol na may pag-aalipusta laban sa kanila sa harapan ng Panginoon.
12 Subalit ang mga taong ito, ay gaya ng mga hayop na walang bait, na ipinanganak na talagang mga hayop upang hulihin at patayin. Kanilang inaalipusta ang mga bagay na hindi nila nauunawaan at kapag ang mga nilalang na ito ay nilipol, sila ay lilipulin din,
13 na pagdurusahan ang parusa sa paggawa ng masama. Itinuturing nilang isang kaligayahan ang magpakalayaw kung araw. Sila ay mga bahid at dungis, na nagpapakalayaw sa kanilang mga daya, habang sila'y nakikisalo sa inyong mga handaan.
14 May mga mata silang punô ng pangangalunya, at hindi mapuknat sa pagkakasala, na kanilang inaakit ang mahihinang kaluluwa. May mga puso silang sanay sa kasakiman. Mga anak na isinumpa!
15 Iniwan(D) nila ang daang matuwid at naligaw sila, palibhasa'y sumunod sa daan ni Balaam na anak ni Beor,[c] na umibig sa kabayaran ng kalikuan.
16 Ngunit siya'y sinaway sa kanyang sariling pagsuway; isang asnong hindi makapagsalita ang nagsalita sa tinig ng tao at pinigil ang kabaliwan ng propeta.
17 Ang mga ito'y mga bukal na walang tubig, mga ulap na tinatangay ng unos. Sa kanila'y inilaan ang pusikit na kadiliman.
18 Sapagkat sila'y nagsasalita ng mga kayabangang walang kabuluhan, at nang-aakit sila sa pagnanasa ng laman sa pamamagitan ng kahalayan sa mga nakatakas mula sa mga namumuhay sa kamalian.
19 Sila'y pinapangakuan nila ng kalayaan, gayong sila mismo'y mga alipin ng kabulukan; sapagkat sinuman ay inaalipin ng anumang lumupig sa kanila.
20 Sapagkat kung pagkatapos na sila'y makatakas sa mga karumihan ng sanlibutan sa pamamagitan ng pagkakilala sa Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo, ay muli silang napasabit sa mga ito at nadaig, ang huling kalagayan nila ay mas masama kaysa nang una.
21 Sapagkat mas mabuti pa sa kanila ang hindi nakaalam ng daan ng katuwiran, kaysa, pagkatapos na malaman ito ay tumalikod sa banal na utos na ibinigay sa kanila.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001