Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 1

Mapalad ang Taong Matuwid

Mapalad ang taong hindi namumuhay ayon sa payo ng masasama,
    o sumusunod sa mali nilang halimbawa,
    at hindi nakikisama sa mgataong nangungutya.
Sa halip ay nagagalak siyang sumunod sa mga aral na mula sa Panginoon,
    at araw-gabi ito ay kanyang pinagbubulay-bulayan.
Ang katulad niyaʼy isang punongkahoy na itinanim sa tabi ng sapa,
    na namumunga sa takdang panahon at hindi nalalanta ang mga dahon.
    Magtatagumpay siya sa anumang kanyang ginagawa.
Ngunit iba ang mga taong masama;
    silaʼy parang ipa na tinatangay ng hangin.
Parurusahan sila ng Dios sa araw ng paghatol,
    at ihihiwalay sa mga matuwid.
Sapagkat pinapatnubayan ng Panginoon ang mga matuwid,
    ngunit ang buhay ng taong masama ay hahantong sa kapahamakan.

Jeremias 29:10-19

10 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing pagkatapos ng 70 taon na pagsakop ng Babilonia, babalikan ko kayo at tutuparin ko ang pangako ko na ibabalik ko kayo sa lupain ninyo. 11 Alam ko kung paano ko tutuparin ang mga plano ko para sa kabutihan nʼyo at hindi sa kasamaan nʼyo, at plano para bigyan kayo ng pag-asa na magkaroon kayo ng mabuting kinabukasan. 12 Kung magkagayon, tatawag at mananalangin kayo sa akin, at diringgin ko kayo. 13 Kung lalapit kayo sa akin nang buong puso, tutulungan ko kayo. 14 Oo, tutulungan ko kayo at ibabalik mula sa pagkakabihag.[a] Titipunin ko kayo mula sa ibaʼt ibang bansa na pinangalatan ko sa inyo, at ibabalik ko kayo sa sarili ninyong lupain.

15 “Baka sabihin nʼyong nagsugo ako sa inyo ng mga propeta riyan sa Babilonia, 16 pero ito ang sinabi ko tungkol sa haring nagmula sa angkan ni David at sa lahat ng kababayan nʼyo na naiwan sa lungsod ng Jerusalem na hindi nabihag kasama nʼyo: 17 Padadalhan ko sila ng digmaan, taggutom at sakit. Matutulad sila sa bulok na igos na hindi na makakain. 18 Talagang hahabulin sila ng digmaan, taggutom at sakit, at kasusuklaman sila ng lahat ng kaharian. Itataboy ko sila sa kung saan-saang bansa, at susumpain, kasusuklaman at kukutyain sila roon ng mga tao. 19 Sapagkat hindi nila pinakinggan ang mga salita ko na palaging sinasabi sa kanila ng mga lingkod kong propeta. At pati kayong mga binihag ay hindi rin naniwala.”

1 Corinto 16:13-24

Katapusang Tagubilin

13 Maging listo kayo at magpakatatag sa inyong pananampalataya. Magpakatapang kayo at magpakatibay. 14 At anuman ang inyong gawin, gawin ninyo nang may pag-ibig.

15 Alam ninyong si Stefanas at ang pamilya niya ang unang naging Cristiano riyan sa Acaya. Inilaan nila ang kanilang mga sarili sa paglilingkod sa mga pinabanal[a] ng Dios. Kaya nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpasakop kayo sa kanila at sa lahat ng katulad nila na naglilingkod sa Panginoon.

17 Natutuwa ako sa pagdating nina Stefanas, Fortunatus, at Acaicus, dahil kahit wala kayo rito, nandito naman sila, at ginagawa nila sa akin ang hindi ninyo magawa. 18 Akoʼy pinasigla nila, at ganoon din kayo. Pahalagahan ninyo ang mga katulad nila.

19 Kinukumusta kayo ng mga mananampalataya sa lalawigan ng Asia. Kinukumusta rin kayo nina Aquila at Priscila at ng mga mananampalatayang[b] nagtitipon sa kanilang tahanan, dahil pareho kayong nasa Panginoon. 20 At kinukumusta rin kayong lahat ng mga mananampalataya rito.

Magbatian kayo bilang magkakapatid kay Cristo.[c]

21 Akong si Pablo ay nangungumusta rin sa inyo, at ako mismo ang sumusulat ng pagbating ito.

22 Parusahan nawa ng Dios ang sinumang hindi nagmamahal sa kanya.

Panginoon, bumalik na po kayo!

23 Pagpalain nawa kayo ng Panginoong Jesus.

24 Minamahal ko kayong lahat bilang mga kapatid kay Cristo Jesus.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®