Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Pagwawakas at Pagbati
13 Magbantay kayo, manindigan kayo sa pananampalataya, magpakatapang kayo, magpakatatag kayo. 14 Gawin ninyo ang lahat nang may pag-ibig.
15 Alam ninyo (A) na ang sambahayan ni Estefanas ang mga unang bunga ng pangangaral sa Acaia. Inilaan na nila ang kanilang sarili sa paglilingkod sa mga banal. Kaya't nakikiusap ako sa inyo, mga kapatid, 16 na magpailalim kayo sa pamumuno ng gayong uri ng mga tao at sa bawat isang nagpapagal at nakikiisa sa gawain. 17 Natutuwa ako sa pagdating nina Estefanas, Fortunato, at Acaico, sapagkat kanilang pinunan ang inyong kakulangan. 18 Pinaginhawa rin nila ang aking espiritu at ang sa inyo. Pahalagahan ninyo ang pagkilala sa katulad nila.
19 Binabati (B) kayo ng mga iglesya sa Asia. Malugod kayong binabati sa Panginoon nina Aquila at Priscila[a] gayundin ng iglesyang nagtitipon sa kanilang bahay. 20 Binabati kayo ng lahat ng mga kapatid. Magbatian kayo nang may banal na halik.
21 Ako mismong si Pablo ang sumusulat ng pagbating ito sa pamamagitan ng aking sariling kamay. 22 Sumpain ang sinumang hindi nagmamahal sa Panginoon. Dumating ka nawa, Panginoon! 23 Sumainyo nawa ang biyaya ng Panginoong Jesus. 24 Sumainyo nawang lahat ang aking pag-ibig kay Cristo Jesus. Amen.
Ang Bagong Tipan: Filipino Standard Version, Copyright © Philippine Bible Society 2009.