Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
10 “Sapagkat(A) kung paanong ang ulan at ang niyebe ay bumabagsak mula sa langit,
at hindi bumabalik doon kundi dinidilig ang lupa,
at ito'y pinasisibulan at pinatutubuan,
at nagbibigay ng binhi sa maghahasik at pagkain sa kumakain,
11 magiging gayon ang aking salita na lumalabas sa bibig ko;
hindi ito babalik sa akin na walang bunga,
kundi gaganapin ang ayon sa layunin ko,
at magtatagumpay sa bagay na kung saan ay sinugo ko ito.
12 “Sapagkat kayo'y lalabas na may kagalakan,
at papatnubayang may kapayapaan.
Ang mga bundok at ang mga burol sa harapan ninyo
ay magbubulalas ng pag-awit,
at ipapalakpak ng lahat ng punungkahoy sa parang ang kanilang mga kamay.
13 Sa halip na tinik, puno ng sipres ang tutubo;
sa halip na dawag, tutubo ang punong mirtol;
at ito'y magiging sa Panginoon bilang isang alaala,
para sa walang hanggang tanda na hindi maglalaho.”
Isang Awit para sa Sabbath.
92 Mabuti ang magpasalamat sa Panginoon,
ang umawit ng mga papuri sa iyong pangalan, O Kataas-taasan,
2 ang magpahayag sa umaga ng iyong tapat na pagsuyo,
at sa gabi ng katapatan mo,
3 sa tugtugin ng panugtog na may sampung kawad at ng alpa,
at sa matunog na himig ng lira.
4 Sapagkat ikaw, Panginoon, pinasaya mo ako ng iyong gawa;
sa mga gawa ng iyong mga kamay ay aawit ako sa kagalakan.
12 Ang matuwid ay umuunlad na parang puno ng palma,
at lumalagong gaya ng sedro sa Lebanon.
13 Sila'y nakatanim sa bahay ng Panginoon,
sila'y lumalago sa mga bulwagan ng aming Diyos.
14 Sila'y namumunga pa rin sa katandaan;
sila'y laging puno ng dagta at kasariwaan,
15 upang ipakilala na ang Panginoon ay matuwid;
siya'y aking malaking bato, at walang kasamaan sa kanya.
51 Makinig(A) kayo, sasabihin ko sa inyo ang isang hiwaga. Hindi tayong lahat ay mamamatay, ngunit tayong lahat ay babaguhin,
52 sa isang saglit, sa isang kisap-mata, sa huling pagtunog ng trumpeta, sapagkat ang trumpeta ay tutunog at ang mga patay ay mabubuhay na walang pagkasira at tayo'y babaguhin.
53 Sapagkat kailangan na itong may pagkasira ay magbihis ng walang pagkasira, at itong may kamatayan ay magbihis ng walang kamatayan.
54 Subalit(B) kapag itong may pagkasira ay mabihisan ng walang pagkasira at itong may kamatayan ay mabihisan ng walang kamatayan, ay mangyayari ang salitang nasusulat,
“Ang kamatayan ay nilamon sa pagtatagumpay.”
55 “O(C) kamatayan, nasaan ang iyong pagtatagumpay?
O kamatayan, nasaan ang iyong tibo?”
56 Ang tibo ng kamatayan ay ang kasalanan, at ang kapangyarihan ng kasalanan ay ang kautusan.
57 Subalit salamat sa Diyos, na nagbibigay sa atin ng pagtatagumpay sa pamamagitan ng ating Panginoong Jesu-Cristo.
58 Kaya, mga kapatid kong minamahal, kayo'y maging matatag, hindi nakikilos, na laging sagana sa gawa ng Panginoon, yamang nalalaman ninyo na hindi walang kabuluhan ang inyong gawa sa Panginoon.
39 Sinabi(A) naman niya sa kanila ang isang talinghaga: “Maaari bang akayin ng bulag ang isa pang bulag? Hindi kaya sila kapwa mahulog sa hukay?
40 Ang(B) alagad ay hindi nakahihigit sa kanyang guro, subalit ang sinumang ganap na sinanay ay nagiging tulad na ng kanyang guro.
41 Bakit mo nakikita ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid, ngunit hindi mo napupuna ang troso na nasa iyong sariling mata?
42 Paano mo masasabi sa iyong kapatid, ‘Kapatid hayaan mong alisin ko ang puwing na nasa iyong mata,’ samantalang hindi mo nakikita ang troso na nasa iyong sariling mata? Ikaw na mapagkunwari, alisin mo muna ang troso na nasa iyong sariling mata, at makakakita ka nang malinaw upang maalis mo ang puwing na nasa mata ng iyong kapatid.
Ang Punungkahoy at ang Bunga Nito(C)
43 “Sapagkat walang mabuting punungkahoy na nagbubunga ng masama, at wala rin namang masamang punungkahoy na mabuti ang bunga.
44 Sapagkat(D) ang bawat punungkahoy ay nakikilala sa kanyang sariling bunga. Sapagkat ang mga igos ay di naaani mula sa mga tinikan at hindi napipitas ang mga ubas sa dawagan.
45 Ang(E) mabuting tao mula sa mabuting kayamanan ng kanyang puso ay nagbubunga ng kabutihan. At ang masamang tao mula sa masamang kayamanan ay nagbubunga ng kasamaan. Sapagkat mula sa kasaganaan ng puso ay nagsasalita ang kanyang bibig.
Ang Dalawang Nagtayo ng Bahay(F)
46 “Bakit tinatawag ninyo akong, ‘Panginoon, Panginoon,’ ngunit hindi ninyo ginagawa ang sinasabi ko?
47 Ipapakita ko sa inyo kung ano ang katulad ng bawat lumalapit sa akin at nakikinig sa aking mga salita at ginagawa ang mga ito.
48 Siya'y tulad sa isang taong nagtatayo ng bahay, na humukay ng malalim at inilagay ang pundasyon sa ibabaw ng bato. Nang dumating ang isang baha, humampas ang tubig sa bahay na iyon, ngunit hindi ito natinag, sapagkat mahusay ang pagkakatayo nito.[a]
49 Subalit ang nakikinig at hindi ginagawa ang mga ito ay tulad sa isang tao na nagtayo ng bahay sa lupa na walang pundasyon. Nang ito'y hampasin ng ilog ay kaagad na nagiba at malaki ang pagkasira ng bahay na iyon.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001