Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 99

99 Ang(A) Panginoon ay naghahari, manginig ang taong-bayan!
    Siya'y nakaupo sa mga kerubin; mayanig ang lupa.
Ang Panginoon ay dakila sa Zion;
    siya'y higit na mataas sa lahat ng mga bayan.
Purihin nila ang iyong dakila at kakilakilabot na pangalan!
    Siya'y banal!
Ang lakas ng Hari, ay umiibig ng katarungan,
ikaw ay nagtatag ng pagkakapantay-pantay,
ikaw ay nagsagawa ng katarungan at katuwiran sa Jacob.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos;
    magsisamba kayo sa kanyang paanan!
    Siya'y banal.

Sina Moises at Aaron ay kabilang sa kanyang mga pari,
    si Samuel ay kabilang sa mga nagsisitawag sa kanyang pangalan.
    Sila'y nagsisitawag sa Panginoon, at kanyang sinagot sila.
Siya'y(B) nagsasalita sa kanila sa haliging ulap;
    kanilang iningatan ang mga patotoo niya,
    at ang tuntunin na ibinigay niya sa kanila.

O Panginoon naming Diyos, sinagot mo sila;
ikaw ay Diyos na mapagpatawad sa kanila,
    ngunit isang tagapaghiganti sa mga maling gawa nila.
Purihin ninyo ang Panginoon nating Diyos,
    at magsisamba kayo sa kanyang banal na bundok;
    sapagkat ang Panginoon nating Diyos ay banal!

1 Samuel 2:11-17

11 Pagkatapos si Elkana ay umuwi sa Rama. At ang batang lalaki ay naglingkod sa Panginoon sa harapan ni Eli na pari.

Ang mga Anak ni Eli

12 Ngayon, ang mga anak ni Eli ay mga lapastangan; wala silang pakundangan sa Panginoon,

13 o sa mga katungkulan ng mga pari sa mga taong-bayan. Kapag ang sinuma'y naghahandog ng alay, lumalapit ang lingkod ng pari habang ang laman ay pinakukuluan na may hawak sa kamay na pang-ipit na may tatlong pantusok.

14 Ilalagay niya ito sa kawali, o sa kawa, o sa kaldero, o sa palayok at lahat ng mahahango ng pantusok ay kukunin ng pari para sa kanyang sarili. Gayon ang ginagawa nila sa Shilo sa lahat ng mga Israelitang nagpupunta roon.

15 Bukod dito, bago nila sunugin ang taba, lalapit ang lingkod ng pari at sasabihin sa lalaking naghahandog, “Bigyan mo ng maiihaw na laman ang pari, sapagkat hindi siya tatanggap mula sa iyo ng lutong laman, kundi hilaw.”

16 Kung sabihin ng lalaki sa kanya, “Sunugin muna nila ang taba at saka ka kumuha ng gusto mo,” ay sasabihin niya, “Hindi, dapat mong ibigay na ngayon; at kung hindi, ay kukunin ko nang sapilitan.”

17 Kaya't ang kasalanan ng mga kabataang iyon ay napakalaki sa harap ng Panginoon; sapagkat winalang kabuluhan ng mga tao ang handog sa Panginoon.

Roma 9:19-29

Ang Poot at Habag ng Diyos

19 Kaya't sasabihin mo sa akin, “Bakit humahanap pa siya ng kamalian? Sapagkat sino ang makakasalungat sa kanyang kalooban?”

20 Ngunit,(A) sino ka, O tao, na makikipagtalo sa Diyos? Sasabihin ba ng bagay na hinubog doon sa humubog sa kanya, “Bakit mo ako ginawang ganito?”

21 O wala bang karapatan ang magpapalayok sa luwad, upang gumawa mula sa iisang limpak ng isang sisidlan para sa marangal na gamit at ang isa'y para sa pangkaraniwang gamit?

22 Ano nga kung sa pagnanais ng Diyos na ipakita ang kanyang poot, at ipakilala ang kanyang kapangyarihan, ay nagtitiis na may pagtitiyaga sa mga kinapopootan niya[a] na inihanda para sa pagkawasak;

23 upang maipakilala niya ang kayamanan ng kanyang kaluwalhatian sa mga kinaaawaan,[b] na kanyang inihanda nang una pa para sa kaluwalhatian,

24 maging sa atin na kanyang tinawag, hindi lamang mula sa mga Judio, kundi mula rin sa mga Hentil?

25 Gaya(B) naman ng sinasabi niya sa Hoseas,

“Tatawagin kong ‘aking bayan’ ang hindi ko dating bayan;
    at ‘minamahal’ ang hindi dating minamahal.”
26 “At(C) mangyayari, na sa lugar na kung saan ay sinabi sa kanila, ‘Kayo'y hindi ko bayan,’
    doon sila tatawaging ‘mga anak ng Diyos na buháy.’”

27 At(D) si Isaias ay sumisigaw tungkol sa Israel, “Bagaman ang bilang ng mga anak ng Israel ay maging tulad ng buhangin sa dagat, ang nalalabi lamang ang maliligtas:

28 sapagkat mabilis at tiyak na isasagawa ng Panginoon ang kanyang salita sa lupa.”

29 At(E) gaya ng sinabi nang una ni Isaias,

“Kung hindi nag-iwan sa atin ng isang binhi ang Panginoon ng mga hukbo,
    tayo'y naging katulad sana ng Sodoma,
    at naging gaya ng Gomorra.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001