Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 96

96 O umawit sa Panginoon ng bagong awit;
    umawit sa Panginoon ang buong lupa.
Umawit kayo sa Panginoon, purihin ninyo ang pangalan niya;
    ipahayag ninyo ang kanyang pagliligtas sa araw-araw.
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang kaluwalhatian,
    ang kagila-gilalas niyang mga gawa sa lahat ng mga bayan!
Sapagkat dakila ang Panginoon, at karapat-dapat na purihin;
    siya'y dapat katakutan nang higit kaysa lahat na diyos.
Sapagkat lahat ng mga diyos sa mga bayan ay mga diyus-diyosan,
    ngunit ang Panginoon ang lumikha ng mga kalangitan.
Nasa harapan niya ang karangalan at kamahalan,
    nasa kanyang santuwaryo ang lakas at kagandahan.

Ibigay(A) ninyo sa Panginoon, kayong mga angkan ng mga bayan,
    ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian at kalakasan.
Ibigay ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatiang nararapat sa kanyang pangalan;
    magdala ng handog, at pumasok kayo sa kanyang mga bulwagan!
Sambahin ninyo ang Panginoon sa kagandahan ng kabanalan,
    manginig kayong buong lupa sa kanyang harapan!
10 Sabihin ninyo sa mga bansa, “Ang Panginoon ay naghahari!
    Oo, matatag at hindi makikilos ang sanlibutan,
    hahatulan niyang may katarungan ang mga bayan.”
11 Matuwa nawa ang langit at magalak nawa ang lupa;
    umugong nawa ang dagat, at ang lahat ng naroroon;
12     maging masaya nawa ang bukiran at lahat ng naroon.
Kung gayo'y aawit dahil sa kagalakan ang lahat ng punungkahoy sa gubat
13     sa harapan ng Panginoon; sapagkat siya'y dumarating,
    sapagkat siya'y dumarating upang hatulan ang lupa.
Kanyang hahatulan na may katuwiran ang sanlibutan,
    at ng kanyang katotohanan ang mga bayan.

1 Mga Hari 16:29-34

Si Ahab ay Naghari sa Israel

29 Nang ikatatlumpu't walong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Ahab na anak ni Omri na maghari sa Israel. At si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria nang dalawampu't dalawang taon.

30 Si Ahab na anak ni Omri ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon nang higit kaysa lahat ng nauna sa kanya.

31 Waring isang magaang bagay para sa kanya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, siya'y nag-asawa kay Jezebel, na anak ni Et-baal na hari ng mga Sidonio, at siya'y humayo at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya.

32 Kanyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal, na kanyang itinayo sa Samaria.

33 At gumawa si Ahab ng sagradong poste[a]. Gumawa pa ng higit si Ahab upang galitin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, kaysa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.

34 Sa(A) kanyang mga araw, itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Inilagay niya ang pundasyon niyon na ang katumbas ay buhay ni Abiram na kanyang panganay na anak. At itinayo niya ang mga pintuang-bayan niyon na ang katumbas ay ang buhay ng kanyang bunsong anak na si Segub, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.

2 Corinto 11:1-6

Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol

11 Sana'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kahangalan. Subalit tunay na nagtitiis kayo sa akin!

Ako'y nakakaramdam sa inyo ng maka-Diyos na panibugho, sapagkat kayo'y itinakda kong mapangasawa ng isang lalaki, na kayo'y maiharap ko kay Cristo bilang isang malinis na birhen.

Ngunit(A) ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan[a] kay Cristo.

Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo ay kaagad na napapasakop doon.

Sa palagay ko ay hindi ako pahuhuli sa mga dakilang apostol na ito.

Bagaman ako'y hindi bihasa sa pagsasalita, gayunma'y hindi sa kaalaman, kundi sa bawat paraan ay ginawa namin itong hayag sa inyo sa lahat ng mga bagay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001