Revised Common Lectionary (Complementary)
7 “Kayong aking mga lingkod, makinig sa sasabihin;
ako ay Diyos, ang inyong Diyos, salita ko'y unawain;
ako'y mayroong patotoo't saksi laban sa Israel.
8 Hindi ako nagagalit dahilan sa inyong handog,
ni sa inyong mga haing sa dambana'y sinusunog,
9 bagaman ang mga toro'y hindi ko na kailangan,
maging iyang mga kambing at ang inyong mga kawan.
10 Pagkat akin iyang hayop sa gitna ng kagubatan,
maging bakang naglipana sa maraming kaburulan.
11 Akin din ang mga ibong lumilipad sa itaas,
at ang lahat na may buhay sa parang ay akin lahat.
12 “Kung ako ma'y nagugutom, hindi ko na sasabihin,
yamang lahat sa daigdig na narito'y pawang akin.
13 Ang karne ng mga toro, iyon ba'y aking pagkain?
At ang inumin ko ba'y dugo ng mga kambing?
14 Ang ihandog ninyo sa Diyos ay ang inyong pasalamat;
ang pangakong handog ninyo ay tuparin ninyong lahat.
15 Kung kayo ay may bagabag, ako lagi ang tawagin;
kayo'y aking ililigtas,
ako'y inyong pupurihin.”
40 Siyasatin nati't suriin ang ating pamumuhay, at tayo'y manumbalik kay Yahweh!
41 Dumulog tayo sa Diyos at tayo'y manalangin:
42 “Kami'y nagkasala at naghimagsik, at hindi mo kami pinatawad.
43 “Sa iyong matinding galit ay hinabol mo kami at walang awang pinatay.
44 Ang galit mo'y tila makapal na ulap na hindi malampasan ng aming mga dalangin.
45 Ginawa mo kaming tambakan ng kasamaan ng sanlibutan.
46 “Kinukutya kami ng aming mga kaaway;
47 nagdaan na kami sa pagkawasak at kapahamakan, naranasan namin ang mabingit sa panganib at manginig sa takot.
48 Hindi mapigil ang pagbalong ng aking mga luha, dahil sa kapahamakang sinapit ng aking bayan.
49 “Walang tigil ang pagdaloy ng aking mga luha,
50 hanggang si Yahweh ay tumunghay mula sa langit at kami'y lingapin.
51 Nagdadalamhati ako dahil sa sinapit ng mga kababaihan sa aking lunsod.
52 “Para akong ibong binitag ng aking mga kaaway, gayong wala silang dahilan upang kamuhian ako.
53 Ako'y inihulog nila nang buháy sa isang balon, at tinakpan ng bato ang bunganga nito.
54 Lumubog ako sa tubig, at nasabi ko, ‘Wala na akong pag-asang mabuhay pa.’
55 “O Yahweh, tinawag ko ang iyong pangalan nang ako'y nasa kailaliman ng balon;
56 narinig mo ang aking samo, ‘Huwag mong takpan ang iyong pandinig sa aking paghingi ng tulong!’
57 Nilapitan mo ako nang ika'y tawagan ko; sinabi mo sa akin, ‘Huwag kang matakot!’
58 “Tinulungan mo ako, Yahweh, at iniligtas mo ang aking buhay.
Sa Malta
28 Nang makaligtas na kami, nalaman naming ang pulong iyon ay tinatawag na Malta. 2 Napakabuti ng ipinakita sa amin ng mga tagaroon, sapagkat nang bumagsak ang ulan at naging maginaw, nagsiga sila at inasikaso kaming mabuti. 3 Si Pablo nama'y namulot ng kahoy at nang mailagay ang mga iyon sa siga, mula roo'y lumabas ang isang ahas dahil sa init. Tinuklaw nito ang kamay ni Pablo. 4 Nang makita ng mga tagaroon ang ahas na nakabitin sa kamay ni Pablo, nasabi nila sa isa't isa, “Tiyak na mamamatay-tao ang taong iyan. Nakaligtas nga siya sa dagat ngunit hindi naman ipinahintulot ng katarungan na siya'y mabuhay pa.” 5 Subalit ipinagpag lamang ni Pablo sa apoy ang ahas at hindi siya naano. 6 Hinintay nilang mamaga si Pablo, o kaya'y biglang mabuwal at mamatay. Nang matagal na silang naghihintay at wala namang masamang nangyayari sa kanya, nagbago sila ng palagay. “Siya'y isang diyos,” sabi nila.
7 Ang pinuno sa pulong iyon ay isang nagngangalang Publio, at malapit sa lugar na iyon ang kanyang lupain. Malugod niya kaming pinatuloy sa loob ng tatlong araw. 8 Ang ama ni Publio ay nagkataong nakaratay noon dahil sa lagnat at disenterya, kaya't ito'y dinalaw ni Pablo. Pagkatapos manalangin, ipinatong ni Pablo ang kanyang kamay sa maysakit at ito'y gumaling. 9 Dahil sa nangyaring ito, nagdatingan ang mga tagaroong may karamdaman, at sila'y pinagaling din ni Pablo. 10 Binigyan nila kami ng maraming regalo, at nang paalis na kami ay binigyan pa nila kami ng aming mga kailangan sa paglalakbay.
by