Revised Common Lectionary (Complementary)
Mga Babala Mula sa Kasaysayan ng Israel
10 Mga kapatid, hindi ko ibig na hindi kayo makaalam. Ang mga ninuno natin ay naliliman ng ulap at silang lahat ay tumawid sa dagat.
2 Lahat sila ay binawtismuhan kay Moises sa ulap at sa dagat. 3 Iisa ang kinain nilang espirituwal na pagkain. 4 Iisa ang ininom nilang espirituwal na inumin dahil uminom sila mula sa espirituwal na bato na sumunod sa kanila. Ang batong ito ay si Cristo. 5 Subalit, hindi nalugod ang Diyos sa marami sa kanila kaya sila ay ikinalat niya sa ilang.
6 Ang mga ito ay halimbawa sa atin upang hindi tayo maghangad ng masasamang bagay tulad nang naging paghahangad nila. 7 Huwag din nga kayong sumamba sa diyos-diyosan tulad ng ilan sa kanila. Ayon sa nasusulat:
Ang mga tao ay umuupo upang kumain at uminom. Sila ay tumitindig upang maglaro.
8 Huwag din nga tayong makiapid tulad ng ilan sa kanila na nakiapid. Sa loob ng isang araw dalawampu’t tatlong libo ang bumagsak sa kanila at namatay. 9 Huwag din nating subukin si Cristo tulad ng ginawang pagsubok ng ilan sa kanila. Sa pamamagitan ng mga ahas sila ay namatay. 10 Huwag din kayong laging bumubulong tulad ng ilan sa kanila na laging bumubulong at namatay sa pamamagitan ng mangwawasak.
11 Ang lahat ng mga bagay na ito ay nangyari upang maging halimbawa. Ito ay isinulat para maging babala sa atin na kung kanino ang mga katapusan ng mga kapanahunan ay dumating. 12 Kaya nga, siya na nag-aakalang nakatayo ay mag-ingat at baka siya ay bumagsak. 13 Walang pagsubok na dumating sa iyo maliban sa karaniwang pagsubok sa tao. Ang Diyos ay matapat, na hindi ka pababayaang masubok nang higit sa makakaya mo. Kasabay ng pagsubok, gagawa siya ng paraan para makaligtas ka nang sa gayon, makayanan mo ang pagsubok.
Copyright © 1998 by Bibles International