Revised Common Lectionary (Complementary)
24 Sapagkat si Cristo ay hindi pumasok sa kabanal-banalang dako, na ginawa ng mga kamay ng mga tao, na larawan lamang ng tunay na dako. Subalit siya ay pumasok sa langit mismo upang siya ay humarap sa Diyos alang-alang sa atin. 25 Sapagkat hindi na kinakailangang si Cristo ay maghandog ng kaniyang sarili nang madalas katulad ng mga pinakapunong-saserdote na pumapasok sa kabanal-banalang dako sa bawat taon na taglay ang dugo na hindi naman sa kanila. 26 Kung gayon nga, hindi na kinakailangang maghirap siya nang maraming ulit simula pa nang ang sanlibutan ay itinatag. Ngunit upang pawiin niya ang kasalanan sa pamamagitan ng paghahandog ng kaniyang sarili, ngayon siya ay nagpakita minsan lamang sa wakas ng mga kapanahunan. 27 Itinakda na minsan lamang mamatay ang tao at pagkatapos nito ay ang kahatulan. 28 Sa ganoong paraan, upang batahin niya ang mga kasalanan ng marami, inihandog ni Cristo ang kaniyang sarili nang minsan lamang. Siya ay magpapakita sa ikalawang pagkakataon doon sa mga masiglang naghihintay sa kaniya hindi upang batahin ang kasalanan kundi para sa kaligtasan.
Mag-ingat Kayo sa mga Mapagpaimbabaw
38 Sa kaniyang pagtuturo sinabi niya sa kanila: Mag-ingat kayo sa mga guro ng kautusan na gustong laging makalakad na may mahabang kasuotan. Nais din nila ang pagbati sa kanila sa mga pamilihang dako.
39 Nais din nila ang mga pangunahing upuan sa mga sinagoga at ang mga pangunahing dako sa mga hapunan. 40 Sila ang mga lumalamon sa mga bahay ng mga balo. Sila ay nagkukunwaring nananalangin ng mahaba. Ang mga ito ay tatanggap ng higit na mabigat na kahatulan.
Ang Handog ng Babaeng Balo
41 Umupo si Jesus sa tapat ng kaban ng yaman. Nakita niya kung papaano naghuhulog ng salapi sa kaban ng yaman ang napakaraming tao. Maraming mayayaman ang naghulog ng maraming salapi sa kaban ng yaman.
42 Lumapit ang isang dukhang babaeng balo at naghulog ng dalawang sentimos na maliit lang ang halaga.
43 Tinanong ni Jesus ang kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang dukhang babaeng balong ito ang naghulog ng higit na malaking halaga kaysa sa kanilang lahat na naghulog ng salapi sa kaban ng yaman. 44 Ito ay sapagkat silang lahat ay naghulog ng mga labis nila. Ngunit siya, sa kabila ng kaniyang karukhaan, ay inihulog ang lahat ng kaniyang kabuhayan.
Copyright © 1998 by Bibles International