Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Awit 51

51 Maawa ka sa akin, Oh Dios, ayon sa iyong kagandahang-loob: ayon sa karamihan ng iyong malumanay na mga kaawaan ay pinawi mo ang aking mga pagsalangsang.

Hugasan mo akong lubos sa aking kasamaan, at linisin mo ako sa aking kasalanan.

Sapagka't kinikilala ko ang aking mga pagsalangsang: at ang aking kasalanan ay laging nasa harap ko.

Laban sa iyo, sa iyo lamang ako nagkasala, at nakagawa ng kasamaan sa iyong paningin: upang ikaw ay ariing ganap pag nagsasalita ka, at maging malinis pag humahatol ka.

Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina,

Narito, ikaw ay nagnanasa ng katotohanan sa mga loob na sangkap; at sa kubling bahagi ay iyong ipakikilala sa akin ang karunungan.

Linisin mo ako ng hisopo, at ako'y magiging malinis: hugasan mo ako at ako'y magiging lalong maputi kay sa nieve.

Pagparinggan mo ako ng kagalakan at kasayahan; upang ang mga buto na iyong binali ay mangagalak.

Ikubli mo ang iyong mukha sa aking mga kasalanan, at pawiin mo ang aking lahat na mga kasamaan.

10 Likhaan mo ako ng isang malinis na puso, Oh Dios; at magbago ka ng isang matuwid na espiritu sa loob ko.

11 Huwag mo akong paalisin sa iyong harapan; at huwag mong bawiin ang iyong santong Espiritu sa akin.

12 Ibalik mo sa akin ang kagalakan ng iyong pagliligtas: at alalayan ako ng kusang espiritu.

13 Kung magkagayo'y ituturo ko sa mga mananalangsang ang iyong mga lakad; at ang mga makasalanan ay mangahihikayat sa iyo.

14 Iligtas mo ako sa salang pagbububo ng dugo, Oh Dios, ikaw na Dios ng aking kaligtasan; at ang aking dila ay aawit ng malakas tungkol sa iyong katuwiran.

15 Oh Panginoon, bukhin mo ang aking mga labi; at ang aking bibig ay magsasaysay ng iyong kapurihan.

16 Sapagka't hindi ka nalulugod sa hain; na kung dili ay bibigyan kita: wala kang kaluguran sa handog na susunugin.

17 Ang mga hain sa Dios ay bagbag na loob: isang bagbag at may pagsisising puso, Oh Dios, ay hindi mo wawaling kabuluhan.

18 Gawan mo ng mabuti ang iyong mabuting kasayahan sa Sion: itayo mo ang mga kuta ng Jerusalem.

19 Kung magkagayo'y malulugod ka sa mga hain ng katuwiran, sa handog na susunugin at sa handog na susunuging buo: kung magkagayo'y mangaghahandog sila ng mga toro sa iyong dambana.

Deuteronomio 28:58-29:1

58 Kung hindi mo isasagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito na nasusulat sa aklat na ito, upang ikaw ay matakot dito sa maluwalhati at kakilakilabot na pangalang, Ang Panginoon Mong Dios.

59 Kung magkagayo'y gagawin ng Panginoon na kamanghamangha ang salot sa iyo, at ang salot sa iyong binhi, malaking salot, at totoong malaon, at kakilakilabot na sakit, at totoong malaon.

60 At kaniyang pararatingin uli sa iyo ang lahat ng mga sakit sa Egipto, na iyong kinatakutan at kakapit sa iyo.

61 Bawa't sakit din naman, at bawa't salot, na hindi nasusulat sa aklat ng kautusang ito'y pararatingin nga sa iyo ng Panginoon, hanggang sa ikaw ay maibuwal.

62 At kayo'y malalabing kaunti sa bilang, pagkatapos na kayo'y naging gaya ng mga bituin sa langit sa karamihan; sapagka't hindi ninyo dininig ang tinig ng Panginoon mong Dios.

63 At mangyayari, na kung paanong ang Panginoon ay nagagalak sa inyo na gawin kayong mabuti at paramihin kayo: ay gayon magagalak ang Panginoon sa inyo na ipalipol kayo, at ibuwal kayo; at kayo'y palalayasin sa lupa na inyong pinapasok upang ariin.

64 At pangangalatin ka ng Panginoon sa lahat ng mga bayan, mula sa isang dulo ng lupa hanggang sa kabilang dulo ng lupa; at doo'y maglilingkod ka sa ibang mga dios, na hindi mo nakilala, ninyo ng inyong mga magulang, sa makatuwid baga'y sa mga dios na kahoy at bato.

65 At sa gitna ng mga bansang ito ay hindi ka makakasumpong ng ginhawa, at mawawalan ng kapahingahan ang talampakan ng iyong paa: kundi bibigyan ka ng Panginoon doon ng sikdo ng puso, at pangangalumata, at panglalambot ng kaluluwa:

66 At ang iyong buhay ay mabibitin sa pagaalinglangan sa harap mo; at ikaw ay matatakot gabi't araw, at mawawalan ng katiwalaan ang iyong buhay.

67 Sa kinaumagaha'y iyong sasabihin, Kahi manawari ay gumabi na! at sa kinagabiha'y iyong sasabihin, Kahi manawari ay umumaga na! dahil sa takot ng iyong puso na iyong ikatatakot, at dahil sa paningin ng iyong mga mata na iyong ikakikita.

68 At pababalikin ka ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng sasakyan, sa daan na aking sinabi sa iyo, Hindi mo na uli makikita; at doo'y pabibili kayo sa inyong mga kaaway na pinaka aliping lalake, at babae, at walang taong bibili sa inyo.

29 Ito ang mga salita ng tipan na iniutos ng Panginoon kay Moises na gawin sa mga anak ni Israel sa lupain ng Moab, bukod sa tipang kaniyang ginawa sa kanila sa Horeb.

Mga Gawa 7:17-29

17 Datapuwa't nang nalalapit na ang panahon ng pangako, na ginawa ng Dios kay Abraham, ang bayan ay kumapal at dumami sa Egipto,

18 Hanggang sa lumitaw ang ibang hari sa Egipto na hindi nakakikilala kay Jose.

19 Ito rin ay gumamit ng lalang sa ating lahi, at pinahirapan ang ating mga magulang, na ipinatapon ang kani-kanilang mga sanggol upang huwag mangabuhay.

20 Nang panahong yaon, ay ipinanganak si Moises, at siya'y totoong maganda; at siya'y inalagaang tatlong buwan sa bahay ng kaniyang ama:

21 At nang siya'y matapon, ay pinulot siya ng anak na babae ni Faraon, at siya'y inalagaang gaya ng sariling anak niya.

22 At tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio: at siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.

23 Datapuwa't nang siya'y magaapat na pung taong gulang na, ay tumugtog sa kaniyang puso na dalawin ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Israel.

24 At nang makita niya ang isa sa kanila na inaalipusta, ay kaniyang ipinagsanggalang siya, at ipinaghiganti ang pinipighati, at pinatay ang Egipcio:

25 At ang isip niya'y napagunawa ng kaniyang mga kapatid na ibinigay ng Dios sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan ng kamay niya: datapuwa't hindi nila napagunawa.

26 At nang kinabukasan ay napakita siya sa kanila samantalang sila'y nagaaway, at sila'y ibig sana niyang payapain, na sinasabi, mga Ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo'y nagaalipustaan?

27 Datapuwa't itinulak siya ng umalipusta sa kaniyang kapuwa tao, na sinasabi, Sino ang naglagay sa iyo na puno at hukom sa amin?

28 Ibig mo bagang ako'y patayin mo, na gaya ng pagkapatay mo kahapon sa Egipcio?

29 At sa salitang ito'y tumakas si Moises, at nakipamayan sa lupain ng Midian, na doo'y nagkaanak siya ng dalawang lalake.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain