Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Complementary)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with thematically matched Old and New Testament readings.
Duration: 1245 days
Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)
Version
Isaias 25:1-9

25 Oh Panginoon, ikaw ay aking Dios; aking ibubunyi ka, aking pupurihin ang iyong pangalan; sapagka't ikaw ay gumawa ng kagilagilalas na bagay, sa makatuwid baga'y ang iyong binalak noong una, sa pagtatapat at katotohanan.

Sapagka't iyong pinapaging isang bunton ang isang bayan, ang bayang matibay ay pinapaging isang guho: ang palasio ng mga taga ibang lupa ay di na magiging bayan; hindi matatayo kailan man.

Kaya't luluwalhatiin ka ng matibay na bayan, ang bayan ng kakilakilabot na mga bansa ay matatakot sa iyo.

Sapagka't ikaw ay naging ampunan sa dukha, ampunan sa mapagkailangan sa kaniyang kahirapan, silongan sa bagyo, lilim sa init, pagka ang hihip ng mga kakilakilabot ay parang bagyo laban sa kuta.

Gaya ng init sa tuyong dako patitigilin mo ang ingay ng mga taga ibang lupa; gaya ng init sa pamamagitan ng lilim ng alapaap, matitigil ang awit ng mga kakilakilabot.

At sa bundok na ito ay gagawa ang Panginoon ng mga hukbo sa lahat ng mga bayan, ng isang kapistahan ng mga matabang bagay, ng isang kapistahan ng mga alak na laon, ng mga matabang bagay na puno ng utak, ng mga alak na laon na totoong sala.

At kaniyang aalisin sa bundok na ito ang takip na nalagay sa lahat ng mga bayan, at ang lambong na naladlad sa lahat na bansa.

Sinakmal niya ang kamatayan magpakailan man; at papahirin ng Panginoong Dios ang mga luha sa lahat ng mga mukha; at ang kakutyaan ng kaniyang bayan ay maaalis sa buong lupa: sapagka't sinalita ng Panginoon.

At sasabihin sa araw na yaon, Narito, ito'y ating Dios; hinintay natin siya, at ililigtas niya tayo: ito ang Panginoon; ating hinintay siya, tayo'y matutuwa at magagalak sa kaniyang pagliligtas.

Awit 23

23 Ang Panginoon ay aking pastor; hindi ako mangangailangan.

Kaniyang pinahihiga ako sa sariwang pastulan: pinapatnubayan niya ako sa siping ng mga tubig na pahingahan,

Kaniyang pinapananauli ang aking kaluluwa: pinapatnubayan niya ako sa mga landas ng katuwiran alangalang sa kaniyang pangalan.

Oo, bagaman ako'y lumalakad sa libis ng lilim ng kamatayan, wala akong katatakutang kasamaan; sapagka't ikaw ay sumasa akin: ang iyong pamalo at ang iyong tungkod, ay nagsisialiw sa akin.

Iyong pinaghahandaan ako ng dulang sa harap ko sa harapan ng aking mga kaaway: iyong pinahiran ang aking ulo ng langis; ang aking saro ay inaapawan.

Tunay na ang kabutihan at kaawaan ay susunod sa akin sa lahat ng mga kaarawan ng aking buhay: at ako'y tatahan sa bahay ng Panginoon magpakailan man.

Filipos 4:1-9

Kaya nga, mga kapatid kong minamahal at pinananabikan, aking katuwaan at putong, magsitibay nga kayo sa Panginoon, mga minamahal ko.

Ipinamamanhik ko kay Euodias, at ipinamamanhik ko kay Sintique, na mangagkaisa ng pagiisip sa Panginoon.

Oo, ipinamamanhik ko rin naman sa iyo, tapat na kasama sa pagtulong, na iyong tulungan ang mga babaing ito, sapagka't sila'y nangagpagal na kasama ko sa evangelio, at kasama rin naman ni Clemente, at ng ibang aking mga kamanggagawa, na ang kanilang pangalan ay nangasa aklat ng buhay.

Mangagalak kayong lagi sa Panginoon: muli kong sasabihin, Mangagalak kayo.

Makilala nawa ang inyong kahinhinan ng lahat ng mga tao. Ang Panginoon ay malapit na.

Huwag kayong mangabalisa sa anomang bagay; kundi sa lahat ng mga bagay sa pamamagitan ng panalangin at daing na may pagpapasalamat ay ipakilala ninyo ang inyong mga kahilingan sa Dios.

At ang kapayapaan ng Dios, na di masayod ng pagiisip, ay magiingat ng inyong mga puso at ng inyong mga pagiisip kay Cristo Jesus.

Katapustapusan, mga kapatid, anomang bagay na katotohanan, anomang bagay na kagalanggalang, anomang bagay na matuwid, anomang bagay na malinis, anomang bagay na kaibigibig, anomang bagay na mabuting ulat; kung may anomang kagalingan, at kung may anomang kapurihan, ay isipin ninyo ang mga bagay na ito.

Ang mga bagay na inyong natutuhan at tinanggap at narinig at nakita sa akin, ang mga bagay na ito ang gawin ninyo: at ang Dios ng kapayapaan ay sasa inyo.

Mateo 22:1-14

22 At sumagot si Jesus at muling pinagsalitaan sila sa mga talinghaga, na sinasabi,

Tulad ang kaharian ng langit sa isang hari na naghanda ng piging ng kasalan ng kaniyang anak na lalake,

At sinugo ang kaniyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa piging ng kasalan: at sila'y ayaw magsidalo.

Muling nagsugo siya sa ibang mga alipin, na sinasabi, Sabihin ninyo sa mga inanyayahan, Narito, inihanda ko na ang aking piging; pinatay ko ang aking mga baka at mga hayop na matataba, at ang lahat ng mga bagay ay nahahanda na: magsiparito kayo sa piging ng kasalan.

Datapuwa't hindi nila pinansin, at sila'y nagsiyaon sa kanilang lakad, ang isa'y sa kaniyang sariling bukid, ang isa'y sa kaniyang mga kalakal;

At hinawakan ng mga iba ang kaniyang mga alipin, at sila'y dinuwahagi, at pinagpapatay.

Datapuwa't ang hari ay nagalit; at sinugo ang kaniyang mga hukbo, at pinuksa ang mga mamamataytaong yaon, at sinunog ang kanilang bayan.

Nang magkagayo'y sinabi niya sa kaniyang mga alipin, Nahahanda ang kasalan, nguni't hindi karapatdapat ang mga inanyayahan.

Magsiparoon nga kayo sa mga likuang lansangan, at anyayahan ninyo sa piging ng kasalan ang lahat ninyong mangasumpungan.

10 At nagsilabas ang mga aliping yaon sa mga lansangan, at kanilang tinipon ang lahat nilang nangasumpungan, masasama at mabubuti: at napuno ng mga panauhin ang kasalan.

11 Datapuwa't pagpasok ng hari upang tingnan ang mga panauhin, ay doo'y nakita niya ang isang tao na hindi nararamtan ng damit-kasalan:

12 At sinabi niya sa kaniya, Kaibigan, ano't pumasok ka rito na walang damit-kasalan? At siya'y naumid.

13 Nang magkagayo'y sinabi ng hari sa mga naglilingkod, Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas; diyan na nga ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.

14 Sapagka't marami ang mga tinawag, datapuwa't kakaunti ang mga nahirang.

Ang Dating Biblia (1905) (ADB1905)

Public Domain